Mahigit 100 katao ang tinakbo sa mga ospital malapit sa Cavite Economic Zone–mga biktima ng dambuhalang sunog sa pabrika ng House Technology Industries (HTI), isang kompanyang gumagawa ng materyales sa hi-tech na prefabricated houses na ineeksport sa Japan, US at Australia.
Samantala, “daan-daan ang nawawala” at posibleng nakulong sa loob ng nasusunog na bilding, ayon sa mga awtoridad. Hanggang sa pagkakasulat ng artikulong ito, wala pang kumpirmasyon ng pagkamatay ng mga manggagawa.
Sumama ang Pinoy Weekly sa agarang fact-finding mission ng iba’t ibang grupong maka-manggagawa umaga ng Pebrero 2. Bagamat hindi pa rin nakalapit sa nasusunog na pabrika, nagawang kapanayamin ng mga kalahok sa misyon ang ilang saksi sa sunog.
Heto ang ilan sa mga kuwento nila.
Hindi sapat
Ayon sa mga salaysay ng mga manggagawa ng HTI, mayroon naman silang safety signs, protective gear, may fire exits at kahit fire drills.
“May limang beses isang taon pa nga na biglaang fire drill,” sabi ng isa. Ngunit lumalabas na hindi ito sapat–patunay ang sunog ngayon. “Sa bilis ng pangyayari, hindi na nakapunta sa fire exit,” kuwento ng isang lumabas na mula sa trabaho at nakaiwas sa sunog.
Tumangging magpakilala sa publiko, pero mga manggagawang nakalabas o nakaalis na nang sumiklab ang sunog ang nakapanayam ng Pinoy Weekly. “Tiyak na hindi makakaligtas ‘yung nasa second at third floor,” saad ng isang nakapanayam.
Masaklap pa, karamihan sa nasa research and development na nasa ikatlong palapag ay kababaihan. Ang ibang nakaligtas, tumalon. Bali sa binti ang mga pinsala. Ang iba, gumapang papalabas. Sabi pa ng isang nagbahagi, traumatic ang gumapang, dahil patay na daw ang ilang nagapangan niya.
May salaysay na ang mga iyon tungkol sa namatay.
Ang isang nakaratay sa ospital, hirap ngunit naibahagi niyang nakatakas siya. Sunog ang ilang bahagi ng katawan niya. Isipin na lang ang kanyang huling mga alaala: Labinlima silang magkakasama. Hindi pa niya tiyak kung may kasama siyang nakaligtas. Ngunit tiyak niya, may namatay.
Habambuhay umano niyang dadalhin ang kuwentong ito tulad ng natamo niyang mga sunog sa katawan.
Kritikal
Sa isang maiksing press conference, sinalaysay ni Dr. Ismael Mercado ng Divine Grace Hospital na wala silang nakuhang bangkay mula sa sunog. Wala rin silang nailabas na patay. Pero, iyun nga, hindi pa tapos ang sunog.
May dalawa nga lang silang kritikal.
Isa rito si Mary Grace Cabisan, 21, tubong Davao. Nakikitira lang siya sa kanyang kamag-anak, at kakapanganak pa lamang.
Nakilala na lamang siya ng kanyang kamag anak sa kanyang paa – ganon kagrabe ang sunog sa katawan niya. Nakakalungkot isipin para sa kakapanganak pa lamang apat na buwan pa lang ang nakalipas.
Safety officer siya sa HTI.
Sanhi ng sunog?
Ang isang pabrika ng materyal para sa mga bahay na gawa sa kahoy at iba pang magagaang materyal, talagang bulnerable sa sunog.
Isipin mo na lang kung paano gumawa ng apoy gamit ang pinagkikiskis na kawayan.
Ayon sa ilang saksi: Nagkaroon ng spark ang panel saw. Nasilaban nito ang kusot (sawdust), hinugot ng vacuum, nahagap ng fumes ng mga kemikal at nagkalat na sa hangin. Doon na nagsimula ang sunog, na mabilis na lumaki.
Hindi naman malayo ito sa sunog, dahil kahoy ang karamihan na materyal na ginagamit ng pabrika. Ngunit aamahan pa ito ng styofoam na ginagamit pampalaman sa mga panel at may mabibilis suminding kemikal: alkohol, acetone, botanox, urethane.
Tiyak ang pagsabog na mangyayari sa kalagayang ito.