Quantcast
Channel: Manggagawa – Pinoy Weekly
Viewing all 182 articles
Browse latest View live

Pang-aapi ng PLDT

$
0
0

“Walumpu’t walong katao. Walumpu’t walong kaluluwa. Ilang anak ang umaasa sa kanila para tanggalan mo ng regular na trabaho?”

Galit na sinabi ito ni Charlito Arevalo, pangulo ng Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor sa PLDT (GUTS), sa piket ng mga manggagawa ng isa sa pinakamalaking kompanyang telekomunikasyon sa bansa noong Marso 14. Ang bilang na binanggit niya: bilang ng mga empleyado sa antas-superbisor na nasa IT (information technology) Department na naunang pinagsabihan na tatanggalin sila bilang regular na empleyado ng kompanya at ililipat sa isang hiwalay na contracting agency na nagngangalang Amdocs. Sa Abril 2 magiging epektibo ang naturang iskema.

Pero hindi lang sila ang nakatakdang tatanggalin.

“Walang ibang motibo sa iskemang ito kundi para kumita,” pahayag ng GUTS.

Inaasahang kikita umano ang kompanya ng humigitkumulang P7-Bilyon sa loob ng limang taon–kita hindi lang para sa mga bossing ng PLDT, kundi para rin sa malalaking monopolyo kapitalista na tumataya ng kapital at kumikita mula sa dominasyon nito sa industriya ng telekomunikasyon sa bansa.

Matagal nang modus

Mula 2016, pinalulutang na ng manedsment ng PLDT ang iskemang ito para ikondisyon ang isip ng mga empleyado. Pero tinapatan ito ng mga protesta ng mga empleyado, kaya napaatras ang manedsment. Nagsagawa ng iba’t ibang aktibidad ang mga empleyado ng PLDT tulad ng pagsuot ng pula at itim na t-shirt, pagsasagawa ng mga porum at seminar, at iba pa.

Ayon kay Atong Castillo, pangulo ng unyon ng rank-and-file employees sa PLDT, ito lang ang pinakahuli sa mga hakbang ng manedsment para pinagin ang mga empleyado para sila’y lalong kumita.

“Ang mga supervisor, (bumibilang sa) 4,500. Kami (rank-and-file), ang dami namin, 1,100. Alam niyo ba kung gaano kadami ang kontraktuwal sa PLDT? Hindi bababa sa 30,000 nationwide,” ani Castillo, sa parehong piket sa harap ng malaking opisina ng PLDT sa Espana Avenue, Manila.

Kabilang ang GUTS, gayundin ang Manggagawa sa Komunikasyon ng Pilipinas (MKP), unyong pinamumunuan ni Castillo, sa mga nagreklamo sa Department of Labor and Development (DOLE) kaugnay ng malawakang praktika ng kontraktuwalisasyon sa PLDT. Nagsagawa ng inspeksiyon ang DOLE sa naturang kompanya. Nakita ng mga inspektor ang malalang kondisyon ng kontraktuwal na mga manggagawa rito.

“Yung mga taga-Sales (na nakapanayam ng DOLE)–ito ‘yung makikita n’yo na may payong sa labas. Yung nasa ilalim ng arawan, nakapayong, ula’t arawin,” pagsisimula ni Castillo sa kuwento.

Abogado umano ng DOLE ang nakinapanayam sa kanila. “Alam n’yo (nang) tinanong sila? Lahat sila (sa) Sales eh. ‘Ne, magkano ‘yung suweldo mo rito sa PLDT?’ ‘Yung babae, nakakatuwa. Talagang halatang halata mong wala siyang kamuwang-muwang sa mundo. Sinabi niya, nakangiti pa siya eh: ‘Ay, P150 po (kada araw).’ Tapos sabi niya, ‘Kaya lang po, P100 na lang po binibigay sa amin. Kasi po sabi nung agency namin, ‘yung P50 daw po ay tax.’”

Napamura umano ang abogado. “P___ ina! ‘Yung minimum wage (pababa), exempt sa tax. Ang suweldo mo sa NCR (National Capital Region), wala pa sa minimum,” sabi ng naturang abogado na kinuwento ni Castillo.

Kuha ni <b>KR Guda</b>

Kuha ni KR Guda

Abang kontraktuwal

May binigay ding ibang halimbawa si Castillo ng kalupitan ng manedsment sa mga kontraktuwal: Ang mga janitor, halimbawa, pinagbabayad ng P833 para sa kanilang uniporme. “Magkano lang ang kinikita nila, tapos kukunin pa ‘yung P833. Grabe na,” aniya.

Isa pang halimbawa: Ang mga manggagawa sa planta, nagsumbong na sinisingil pa ng kompanya sa tools na ginagamit nila sa trabaho. Hinihingian din sila ng P10,000 bond. “Kinakaltasan kami ng P500 kada pay day. Pero okey lang po, nauutang naman namin,” kuwento ng mga manggagawa kay Castillo. Pero ang problema, tinutubuan pa sila ng 20 porsiyento sa mga pautang.

Araw-araw, nalalagay din sa panganib ang mga manggagawa ng PLDT, lalo na iyung mga nagkakabit ng telepono. “Pito na ang namamatay dahil nakuryente habang nagkakabit ng telepono,” sabi pa ni Castillo.

Sa pagsisimula ng taong 2018, nagpatawag ng pulong ang manedsment para ianunsiyo sa iba’t ibang departamento ang plano nitong pagpapaigting ng outsourcing. Iyung 88 empleyado sa IT Department ang sinampolan. Pinagbantaan sila at pinuwersang pumirma ng mga kontrata sa Amdocs.

Mismong mga bossing ng PLDT ang nagsulat sa mga empleyadong ito para takutin sila, kuwento ni Arevalo.

Paiigtingin ang paggiit

“Kabilang ang PLDT sa pangunahing mga kompanya na nagpapatupad ng neoliberal na mga polisiya at malawakang nagkokontrata (palabas ng kompanya) ng mga serbisyo sa third-party service providers, na kilala rin bilang contracting agencies,” ayon sa GUTS.

Ngayong taon lang din, batay sa reklamo ng mga manggagawa at matapos ang imbestigasyon, iniutos ng DOLE sa PLDT na iregularisa ang mahigit 8,000 manggagawang kontraktuwal. Binasura ng naturang ahensiya ang apela ng PLDT. “(Pero) sa halip na sundin ang desisyon ng Departamento, muling kinuwestiyon ng manedsment ng PLDT ang desisyon at nagsumite ng isa pang apela, hindi lang para patagalin ang pagpapatupad ng desisyon kundi para tuluyang talikuran ang responsabilidad nito bilang prinsipal na employer ng libulibong mga manggagawa,” sabi pa ng GUTS.

“Ingrata” (“ungrateful”) ang tawag ng GUTS at mga manggagawa ng PLDT sa manedsment ng kompanya, lalo na ang may-ari nito na si Manny V. Pangilinan. Nagkamal umano ng trilyuntrilyon ang kompanya mula sa pawis at hirap ng mga manggagawa nito sa tagal ng panahon. Pero ang turing lang nito sa mga manggagawa ay mga bagay na puwedeng itapon anumang oras–para makakuha ng mas maraming kita.

Nangako ang mga manggagawa ng PLDT– mga empleyado man iyan, rank-and-file o superbisor, regular o kontraktuwal, na ipagpapatuloy ang paglaban sa mga iskema ng manedsment na magkamal ng mas maraming kita sa kapahamakan nilang mga empleyado. “Maglulunsad ang GUTS ng marami pang kilos-protesta at aktibidad para mapigilan ang mga atakeng ito at maipagtanggol ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa,” sabi pa ng GUTS.

Kapwa nagsumite na rin ang dalawang unyon sa DOLE ng notice of strike.

Bahagi ng ipoprotesta nila, hindi lang ang manedsment at ang may-ari ng PLDT na si Pangilinan. Sinisingil din nila ang mismong rehimeng Duterte na sa kabila ng mga buladas kontra sa kontraktuwalisasyon ay lalong pinalalakas pa ang loob ng mga tulad ni Pangilinan na paigtingin ang atake sa karapatan ng mga manggagawa.


 


Regularisasyon ng mga kawani sa publikong sektor, iginiit

$
0
0

Nagmartsa ang daan-daang kawaning kontraktuwal kasama ang mga guro at manggagawang pangkalusugan mula sa Department of Budget and Management (DBM) patungong Mendiola noong Marso 20 upang tutulan ang nakaambang tanggalan at sub-kontraktuwalisasyon ng mga kawani ng pamahalaan.

Pangunahing panawagan ng mga kawani ang pagbabasura ng Joint Memorandum Circular No. 1, Series of 2017 na inilabas ng DBM, Civil Service Commission at Commission on Audit bilang tugon ng gobyerno sa pagtigil ng kontraktuwalisasyon sa pampublikong sektor.

Ayon kay Manny Baclagon, pangulo ng Social Welfare Employees Association of the Philippines (SWEAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang nasabing circular ay hindi para wakasan ang kontraktwalisasyon sa pampublikong sektor kundi pag-ibayuhin pa ito sa pamamagitan ng mga service contractor at agency hiring. Dagdag pa ni Baclagon na maraming kawani sa ilalim ng mga “individual contract of service” ang mawawalan ng trabaho sa pagtatapos ng taon ayon na rin sa nakasaad sa circular.

Kinondena ng mga kawani ng gobyerno ang mga hakbang ng COA para lalong gawing kontraktuwal ang kanilang hanay, sa kabila ng pangako pa mismo ni Duterte na ibasura ang kontraktuwalisasyon.<b>Marc Lino Abila</b>

Kinondena ng mga kawani ng gobyerno ang mga hakbang ng COA para lalong gawing kontraktuwal ang kanilang hanay, sa kabila ng pangako pa mismo ni Duterte na ibasura ang kontraktuwalisasyon.Marc Lino Abila

Umabot sa 720,000 ang mga COS at JO mula sa 2.3 milyong kawani o isa sa bawat tatlo ang kontraktuwal na kawani sa loob ng gobyerno nitong Hulyo 2017.

Sa programang isinagawa sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola, sinabi ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) na walang hangarin ang administrasyong Duterte na magbigay ng seguridad sa trabaho at regular na empleyo sa mga manggagawang Pilipino.

Sinigil ng Courage ang rehimen sa pangakong binitawan ni Pangulong Duterte noong pahanon ng kampanyang elektoral. “Magdadalawang taon na sa pagkapangulo si Duterte, ngunit wala pang ring batas o patakaran na itigil ang kontrakwalisasyon,” ani Gaite.

Ibinahagi rin ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa programa ang hakbang ng blokeng Makabayan sa loob ng Kamara. Inihain ng pitong kinatawan ng Makabayan ang House Bill 7415 noong Marso 19 na naglalayong bigyan ng seguridad sa trabaho at civil service eligibility ang mga ‘di regular na kawani na tuluy-tuloy na nagtatrabaho sa gobyerno sa loob ng anim na buwan.

Sakop ng panukala ang mga kawani at manggagawa sa mga pambansang ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, state universities and colleges, government-owned and controlled corporations at iba pang mga government instrumentality.

Sa pahayag na inilabas ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, dapat ipagbawal at parusahan ang pang-aabuso sa paggamit ng contract of service (COS) at job order (JO) at ibigay sa lahat ng kwalipikadong kawani ang mga regular na posisyon.

Ayon kay Tinio, ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon ay labag sa mandato ng saligang batas sa pagsusulong ng maayos na empleyo sa lahat ng mga mamamayan. Dapat maging regular ang mga empleyado sa parehong pribado at publikong sektor.

Dagdag pa ni Tinio na hindi maaasahang itigil ng pribadong sektor ang kontraktuwal na paggawa kung ipinagpapatuloy ito ng gobyerno sa hanay ng mga kawani nito.

Nangako ang mga kawani na ipagpapatuloy nila ang paglaban sa kontraktuwalisasyon. <b>Marc Lino Abila</b>

Nangako ang mga kawani na ipagpapatuloy nila ang paglaban sa kontraktuwalisasyon. Marc Lino Abila


 

Lumalakas na boses ng BPO workers

$
0
0
Huwag kang maniwala sa sabi-sabi: Masipag ang mga manggagawang Pilipino. Pero naghihirap ito. O, mas tumpak, pinahihirapan sila. Sa seryeng ito, basahin ang kanilang mga kuwento–ng pagpapahirap, pero pagpupunyagi ring labanan ang mga pagpapahirap na ito.

Sa kabila ng ningning na dala ng industriyang ito sa ekonomiya ng bansa, makulimlim ang papawirin sa ibabaw ng maraming ahente ng business process outsourcing (BPO).

PW 16-09 print issue

PW 16-09 print issue

Umpisa pa lang ng dekada 1990s, nag-aambag na nang malaki sa kabuuang gross domestic product (GDP) ng bansa ang industriya ng BPO. Noong 2016, umabot sa P22- Bilyon ang naging ambag nito sa ekonomiya ng bansa.

Pero sa kabila ng mabilis nitong pag-unlad, pagdaan ng panaho’y papasahol naman ang kalagayan ng milyun-milyong manggagawa ng industriya ng BPO. Kung noon, tinitingnan ng maraming kabataang bagong gradwado sa kolehiyo — o kahit hindi gradwado — ang BPO bilang siguradong pupuntahang trabaho na may nakabubuhay na sahod, ngayo’y unti-unting lumiliit ang aktuwal na sahod dito, habang tumitindi ang kontraktuwalisasyon at pagkait sa karapatan at benepisyo.

Ito ang ilan sa mga problemang kinakaharap nila.

Walang seguridad

Walang job security o security of tenure sa karamihan sa mga empleyado ng BPO.

Isa ito sa mga pangamba ng mga empleyado, kontraktuwal man o regular. Ayon kay Mylene Cabalona, tagapagsalita ng BPO Industry Employees Network (BIEN), maraming kompanya ang nagpapatupad ng mga iskema para tanggalin ang empleyado kung gugustuhin ng manedsment.

May ilang kaso na sapilitang pinagbibitiw ang ilang empleyado. Nagagawa ito sa pamamagitan ng istriktong pagpapatupad ng isang grading system o point system na gumigipit sa mga empleyado dahil sa hindi makakatotohanang metrics na ipinapatupad ng kompanya.

Halimbawa nito ang umiiral sa kompanya ng Alorica-West: gusto ng manedsment na umabot sa 98 porsiyento ng pinagsama-samang metrics ang bawat empleyado. Kabilang sa sinasabing metrics ang attendance, survey ng customer, sales (na ipinapatupad maging sa technical support agents). Ang mga hindi nakakaabot sa napakataas at di-makatarungang istandard na ito, madaling tinatanggal ng kompanya.

Nagaganap ang sapilitang pagtatanggal sa kabila ng patuloy na pagtanggap sa mas maraming empleyado.

Kauna-unahang National BPO Employees' Summit na inisponsor ng BIEN.

Kauna-unahang National BPO Employees’ Summit na inisponsor ng BIEN.

Sahod pa rin ang problema

Lingid sa alam ng madla, hindi rin sapat ang sahod na natatanggap ng mga empleyado ng BPO. Lamang man nang kaunti ang kanilang sinasahod, katulad din sila ng karamihan na hindi natutumbasan ng tamang halaga ang trabahong kanilang ginagampanan.

“Kung titignan, malaki ang sahod sa BPO. Pero ang kapalit, multiple skills. Kumbaga, trabaho ng limang Amerikanong ahente, trabaho lang ng isa (dito sa Pilipinas),” kuwento ni Arcy Parayno, miyembro ng BIEN.

Laganap sa kanilang hanay ang pagpapatrabaho sa isang empleyado ng gawain na dapat sana ay para sa lima. Sa umpisa, dagdag pa ni Arcy, sasanayin ka lang para sa isang skill. Halimbawa, sales o pagiging customer/ technical representative. Makalipas ang dalawang buwan, magkakaroon muli ng pagsasanay para sa bagong skills hanggang sa maging limang skills na ang hawak ng isang empleyado nang walang dagdag na sahod.

Mababa rin ang basic salary ng isang newly-hired agent. Madalas umaabot lang ng P12,500 ang sahod, depende sa pa lugar. Sa Bicol, P4,500 lang ang kanilang panimulang pasahod at sa Baguio at Davao naman ay umaabot lang sa P10,000.

“Ina-apply nila ang iskema ng provincial rate sa maraming probinsiya ng Pilipinas na kung minsan mas mabigat pa ang trabaho nila,” ani Alfred Sobrino, isa ring miyembro ng BIEN.

Suliranin din nila ang maayos at ligtas na lugar sa pagtatrabaho. Kamakailan lang, 38 empleyado ng BPO ang nasawi sa isang sunog sa NCCC Mall sa Davao City habang nasa shift. Kaya’t patuloy na isinusulong ng ilang progresibong grupo sa pangunguna pa rin ng BIEN ang pagkakaroon ng maayos at ligtas sa sakunang lugar.

Nariyan din ang pana-panahong nababalitang aksidente o krimeng (tulad ng pagpatay, holdap, atbp.) nabibiktima ay mga ahente ng BPO na bumibiyahe mula o patungo sa opisina nang disoras ng gabi o madaling araw. Sa kabila ng mga suliranin, patuloy na binabalewala ito ng manedsment ng mga kompanya. “Lantaran at talamak ang kasinungalingan ng mga manedsment at clients,” ani Sarah Prestoza, tagapangulo ng Unified Employees of Alorica (UEA).

Sa tulong ng National Anti-Poverty Commission, nakipagidiyalogo ang BIEN sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno kaugnay ng kalagayan ng BPO workers. <b>Photo: NAPC</b>

Sa tulong ng National Anti-Poverty Commission, nakipagidiyalogo ang BIEN sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kaugnay ng kalagayan ng BPO workers. Photo: NAPC

Pinipigilang mag-unyon

Mylene Cabalona (kanan) ng BIEN. <b>Photo: NAPC</b>

Mylene Cabalona (kanan) ng BIEN. Photo: NAPC

Itinatag ang BIEN sa klima ng pagkatakot ng maraming empleyado na takot na matanggal anumang oras pero patuloy na ginigipit ng iba’t ibang kompanya ng BPO.

Kalaunan, sa pamumuno nito, naitatag din ang kauna-unahang unyon sa industriyang ito, ang UEA. At katulad ng pag-abante ng pag-oorganisa ng mga organisasyon at unyon, maraming kinaharap na problema ang BIEN at UEA.

Kabilang dito ang pag-iinitan ng supervisor at mga team leader kapag nalamang kasapi ang isang empleyado ng unyon o ng BIEN.

Pero nariyan pa rin ang matinding kalagayang nangangailangan ng pagkakaisa. Ayon sa BIEN, naging triple ang bilang ng mga miyembro nito ngayong taon. Patuloy din ang kanilang pagpaparami. Dumadalo na rin sila sa malalaking pagkilos at kung minsa’y nagsasagawa ng piket-protesta para itulak ang kanilang mga isyu.

Ngayon, unti-unti nang nakilala ang BIEN sa iba’t ibang kompanya. Nagiging labasan na sila ng hinaing ng mga manggagawa ng BPO, mapa-personal man na pag-uusap o sa pamamagitan ng social media.

Sa kasalukuyan, nasa gitna rin ang BIEN at mga empleyado ng BPO sa paglaban sa kontraktuwalisasyon at para sa seguridad sa trabaho. Gayundin, aktibong kalahok ang dumaraming organisadong BPO employees sa kampanya para sa National Minimun Wage sa buong bansa.

Noong Abril 15, isang makasaysayang BPO Employees’ National Summit ang pinamunuan ng BIEN para lalong pagkaisahin ang mga boses nilang mga boses ang puhunan sa trabaho– para mas malakas na igiit ang karapatan.

Patuloy man ang pagbibigay-ningning ng industriya ng BPO sa ekonomiya, walang liwanag pa rin ang kalagayan ng milyunmilyong empleyado. May mahigpit na pangangailangan para sa pagkakaisa nila–at pakikipagkaisa sa iba pang manggagawa sa buong bansa.


 

Bida ang saya ng kapitalista

$
0
0
Huwag kang maniwala sa sabi-sabi: Masipag ang mga manggagawang Pilipino. Pero naghihirap ito. O, mas tumpak, pinahihirapan sila. Sa seryeng ito, basahin ang kanilang mga kuwento–ng pagpapahirap, pero pagpupunyagi ring labanan ang mga pagpapahirap na ito.

Disi-otso anyos noong 2012 si Jessamel Crispo, at estudyante sa isang kolehiyo sa Quezon City. Pero hindi kaya ng mga magulang niya na pag-aralin siya. Buti na lang, naisip niya noon, may scholarship ang Jollibee. Salamat sa sikat na bubuyog. Bida nga ang saya.

Pero hindi pala. “Natuwa ako (sa Jollibee Seeds Scholarship), kasi akala ko libre na (ang pag-aaral ko),” kuwento ni Jessamel. Akala niya, salamat sa kagandahang loob ng bubuyog (o ng mga kapitalistang nasa likod nito), makakapag-aral na siya at matutupad ang mga pangarap, at maiaahon sa hirap ang pamilya. Pero ang katotohanan, mistulang naging recruitment agency ang scholarship.

“Parang working student lang din (ako). ‘Yung ipinangpapaaral sa (akin), kaltas din sa sahod (ko),” kuwento niya.

Bilang service crew ng pinakamalaki at pamosong fast food chain ng bansa, naranasan ni Jessamel ang hirap na dinaranas ng lahat ng manggagawa sa Jollibee at iba pang fast food chain. Ang mababang sahod, trabahong walang sahod, walang benepisyo, kawalan ng seguridad sa trabaho, at, sa panghuli, di-makatarungang pagtanggal.

Sa tatlong taong pagiging iskolar niya, tatlong taon din siyang nagtrabaho sa loob ng Jollibee.

P57 kada oras ang sahod (ko),” ani Jessamel. “Karaniwang limang oras ang naipapasok ko sa isang araw dahil sa pasok sa school. Bale, b, kung minsan mas mababa pa, ang nagiging take home pay (ko).”

Maliban sa mababang sahod, naranasan din niya ang iba pang di-makatarungan labor practices ng Jollibee. Isa na riyan ang tinaguriang “charity” o pagtatrabaho nang walang bayan. Minsan, matapos ang shift, may trabaho pa. Minsan, bago ang kanyang shift.

“Naranasan ko, opening ako, 7 a.m. ako pumapasok noon. Kahit 10 a.m. pa yung bukas ng mall. Maglilinis sa loob at mag-aayos ng mga upuan at mesa pero hindi iyon bayad. Kasabay ng pagbukas ng mall ‘yung bayad sa amin,” ani Jessamel.

Kahera siya. Kung minsan kapag na-short o hindi tumugma ang kinita sa na-audit, kakaltasan siya ng sahod.

Taong 2015 nang matanggal si Jessamel sa trabaho. Dahil lang ito sa nagbigay siya ng gravy sa matandang kostumer. (“May bayad kasi ang gravy sa Jollibee,” kuwento niya.) Nahuli siya ng manedyer at kahit na sinabi niyang iawas na lang sa kanya, tinanggal pa rin siya. “Ang nakalagay sa papel, nag-resign ako,” aniya.

Tulad ng maraming nasasadlak sa ganung sitwasyon, hindi na niya ito inapela pa.

Gahamang bubuyog

Sa kasalukuyan, may mahigit 1,200 chains na sa buong mundo ang Jollibee.

Sa ikalawang kuwarto ng 2017 lang, tumala ang naturang kompanya ng P1.96-B netong kita. Pero sa likod ng mabilis na expansion ng kompanya ang 50,000 manggagawang kontraktuwal na di-unyonisado, mababa ang sahod, walang karapatan.

Noong Abril 4, inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Jollibee Foods Corp. at isa sa mga subsidyaryo nito, ang fast food chain din na Burger King, na iregularisa ang 6,482 kontraktuwal nitong manggagawa.

Bahagi ito ng deklaradong kampanya ng DOLE na pagrepaso sa praktika ng iba’t ibang kompanya ng bansa kaugnay ng kontraktuwalisasyon. Bahagi naman ang kampanyang ito ng diumano’y pagtutupad ni Pangulong Duterte sa pangako niyang alisin ang kontraktuwalisasyon sa bansa.

Agad na sinabi ng Jollibee na iaapela nito ang naturang desisyon. Pero nitong Abril 13, sinabi naman ng chief operating officer ng kompanya na si Ernesto Tanmantiong na ipapatupad na raw nila ang utos ng DOLE.

Pero mababatid sa mismong pahayag ng Jollibee ang intensiyon nito: Ipasa ang utos ng “regularisasyon” sa tinaguriang “service providers” o third-party na mga kompanya na nagkokontrata ng mga manggagawa para magtrabaho sa Jollibee.

“Inuutusan namin ang aming service providers na iregularisa ang lahat naming empleyado nang may security of tenure at benepisyo…Kaya sinusuportahan namin si Pangulong Duterte sa pagwakas (niya) sa kontraktuwalisasyon,” sabi ni Tamantiong.

Sinasamantala niya ang nakasaad sa Labor Code (na ipinagtibay ng DOLE Order No. 174) na ang ipinagbabawal lang ay labor-only contracting at hindi ang job contracting. Pasok sa huli ang pagkakaroon ng service providers na nagsisilbing middlemen sa pangongontrata sa mga kapitalista ng mga manggagawa.

Hindi na bago ang kilos na ito ng Jollibee. Katulad ng mga kapwa-malalaking burges kumprador na nasa Forbes 50 (listahan ng 50 pinakamayayamang Pilipino), kilala ang tagapagtatag ng Jollibee na si manggagawa (ika-8 pinakamayaman sa Pilipinas, may yamang US$4.1-Bilyon nitong Peb. 2018) na nagpapatupad ng maraming kontra-manggagawang gawain para imaksimisa ang kita.

Mga manggagawa o crew sa Jollibee: Hirap sa likod ng mga ngiti. <b>KR Guda</b>

Mga manggagawa o crew sa Jollibee: Hirap sa likod ng mga ngiti. KR Guda

Isa pa, isa pa, isa pang pangako

Naniniwala ang Kilusang Mayo Uno (KMU) na balewala ang anumang utos ng rehimeng Duterte na regularisasyon ng mga manggagawa ng fast food chains tulad ng Jollibee kung walang kongketong polisiya ito para pigilan na at lapatan ng parusa ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon.

“Ang mga manggagawa ay may karapatan sa regular na trabaho; sa (nakabubuhay na) sahod at benepisyo; sa karapatang mag-organisa, magbuo ng unyon, at makipagnegosasyon sa mga employer nila. Pero ipinagkakait ang lahat ng batayang karapatang ito sa kontraktuwal na mga manggagawa. Kaya hindi lang dapat ‘regulated‘ o nililimitahan ang di-makatarungan at kontra-manggagawang praktika ng ‘endo’ o kontraktuwalisasyon. Dapat buo at permanenteng ipagbawal ito,” paliwanag ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Mahaba na ang listahan ng malalaking kompanyang tahasang sumusuway sa mga “utos” ng DOLE para iregularisa ang mga manggagawa nito. Noong Pebrero, iniutos ng DOLE ang pagreregularisa ng 675 manggagawang kontraktuwal sa Coca-Cola Femsa (dayuhang kompanya na may prangkisa sa distribusyon ng Coca-Cola sa Pilipinas).

Bago nito, noong Enero, nag-utos na rin ito na iregularisa ng Coca-Cola Femsa ang halos 8,000 manggagawa. Pero ano ang sinagot ng naturang kompanya? Pagtanggi sa implementasyon ng utos. Ang masahol pa, nagsagawa ito ng tanggalan sa mga manggagawa.

Pinalalakas lang nito ang pangangailangan para sa isang malinaw at malakas na polisiya—sa porma, halimbawa, ng isang executive order o EO mula sa Pangulo—na nagdedeklarang ilegal sa lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon.

“Wala sa mga apektadong korporasyon ang sumunod, kaya mistulang walang-saysay ang mga utos ng DOLE. Walang mekanismo ang gobyerno para seguruhin ang implementasyon (ng mga utos na ito); at madalas pang pumapanig (ang gobyerno) sa manedsment na tumatangging iregularisa ang mga manggagawa nito,” sabi pa ni Labog.

Noong 2016 pa nagbuo ang KMU ng mungkahing EO na magbibigay-pangil sa rehimeng Duterte na ipatupad ang mismong pangako nitong pawiin ang kontraktuwalisasyon. Pero paulit-ulit ding isinasantabi ng mismong Pangulo ang paglagda nito. Makailang ulit na itong nangakong lalagdaan ang naturang EO, pero makailang ulit na ring iniatras ang pagpirma at sinabing pag-aaralan pa.

Nitong Abril 16, nag-iskedyul muli ang Malakanyang ng diyalogo sa mga grupong maka-manggagawa. Muli, nakansela ito. Ang huling deklarasyon ng Palasyo, hindi na raw lalagda ang Pangulo ng EO hinggil sa kontraktuwalisasyon. Ipauubaya na lang daw nito sa Kongreso ang pagpasa ng batas kontra kontraktuwalisasyon.

Pero makakaasa pa ba ang mga manggagawa? Para sa KMU, matagal nang pinatunayan ng rehimeng Duterte na wala itong interes na tuparin ang pangako kaugnay ng kontraktuwalisasyon. “Nawalan na ng tiwala ang mga manggagawa sa sinseridad ni Duterte. Hindi sapat ang mga utos at diyalogo ng DOLE para sabihin ng rehimeng Duterte na kontra ito sa kontraktuwalisasyon,” ani Labog.

Samantala, makikita sa sunud-sunod na mga pagkilos ng mga manggagawa, mula sa mga protesta at diyalogo sa DOLE (tulad ng ginawa ni Jessamel at iba pang manggagawa ng Jollibee noong Abril 18) hanggang sa mga bantang welga sa Coca-Cola, PLDT at iba pa, na lalong lumalakas ang pagkakaisa ng mga manggagawa—para itulak ang pagbasura sa kontraktuwalisasyon at singilin ang rehimeng Duterte.


 

Kaligtasan ng obrero, seguruhin

$
0
0
Screencap mula sa video ng aksidente sa pabrika ng Hanjin sa Subic, Zambales na pinaskil ng FB page ng Samahan ng mga Manggagawa sa Hanjin. Makikita sa video ang aktuwal na pagkalaglag ng isang manggagawa habang nakalambitin at nanganganib ang iba pa.

Screencap mula sa video ng aksidente sa pabrika ng Hanjin sa Subic, Zambales na pinaskil ng FB page ng Samahan ng mga Manggagawa sa Hanjin. Makikita sa video ang aktuwal na pagkalaglag ng isang manggagawa habang nakalambitin at nanganganib ang iba pa.

Dapat nang magpasa ang Senado ng isang maka-manggagawang panukalang batas na nangangalaga sa kaligtasan ng mga manggagawa.

Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU) matapos ang malagim na pagkamatay ng isang manggagawa at pagkadisgrasya ng iba sa isang aksidente noong Mayo 12 sa Hanjin Heavy Industries and Corporation (HHIC) Philippines, na nag-oopereyt sa Subic, Zambales.

Nagprotesta sa harap ng Senado ang mga manggagawa sa pangunguna ng KMU noong Mayo 21 para manawagan ng katarungan para sa mga biktima ng Hanjin, gayundin para itulak ang mga mambabatas na ibasura at palitan ang “pinalabnaw” na bersiyon ng Occupational Safety and Health (OSH) Bill na ipinasa noong Pebrero.

Kasabay ng protesta ang pulong ng Bicameral Conference Committee (Labor, Employment and Human Resources Development) ng Senado para talakayin ang Occupational Safety and Health Standards Act. Ayon sa KMU, kapos ito sa mga probisyon para panagutin ang mga kompanya sa mga paglabag sa kaligatasan ng mga manggagawa sa mga pabrika.

“Ang pagkamatay at pagkasugat ng mga manggagawa ng Hanjin ay direktang resulta ng malalang paglabag ng kompanya at pagkabigo nitong sumunod sa mga pamantayan kaugnay ng kaligtasan ng mga manggagawa,” sabi ni Lito Ustarez, bise-presidente ng KMU.

Mariin din niyang kinondena ang gobyerno sa umano’y pagbubulag-bulagan nito sa ganitong mga gawain.

Naging viral sa social media ang pagkahulog ng apat na manggagawa ng Hanjin sa pagawaan nito ng barko noong Mayo 12 na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkakaospital ng iba pa.

Agad namang ipinag-utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Hanjin subcontractor na Binictican I-Tech Corp. na ipatigil ang paggawa matapos ang aksidente.

“Ang pagsandig ng Hanjin sa subcontracting ay sinadya para mapababa ang pananagutan nito kapag may aksidente, subalit ang mas malakas na batas sa kaligtasan ng mga manggagawa ay magtitiyak na mapapanagot ang Hanjin sa kriminal na kapabayaan at maling pagtrato sa mga manggagawa,” ani Ustarez.

Samantala, nagpahayag naman ng pagtanggap ang Gabriela Women’s Party sa pag-apruba ng OSH Bill  sa bicameral level ng Senado habang nangakong ipagpapatuloy ang pagtulak sa kriminal na pananagutan ng mga kompanyang lumalabag sa kaligtasan ng mga manggagawa.

Itinuturing ng Gabriela na historikal ang pag-apruba sa OSH Bill matapos ang apat na taong pagkakampanya nito kasama ng mga samahan ng mga manggagawa.

“Hindi na makakatanggi ang mga kompanya sa loob ng economic zone sa inspeksiyon kaugnay sa pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan ng mga manggagawa o kung may aksidenteng may naganap,”ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas.

Kabilang pa umano sa panukala ang karapatan ng manggagawa na tumangging magtrabaho o lumiban kung may “panganib” sa pagawaan.

Idinagdag ni Brosas na bagamat hanggang P100,000 lang kada araw ang multa at walang kriminal na pananagutan ang mga kompanyang lalabag, malaking pagbabago na ito kumpara sa umiiral na P1,000 hanggang P10,000 multa.

Unang isinampa ng Gabriela, kasama ng blokeng Makabayan ang panukala noong 2014 matapos ang mga aksidente sa mga pagawaan kabilang ang naganap sa Eton Residences sa Makati at Hanjin sa Subic.


 

Makatwirang laban sa NutriAsia

$
0
0

Habang sinusulat ang artikulong ito, patuloy ang tensiyon sa piketlayn ng mga manggagawa ng NutriAsia Marilao Plant. Ginigiit ng mga manggagawa ang karapatan nila. Pinakatan naman sila ng mga pulis mula sa Marilao at Provincial Police.

Pumuwesto ang mahigit 50 pulis sa paligid ng pabrika. Nagtatag din sila ng mga tsekpoint sa mga daanan papunta roon. Pinipigilan kahit ang mga mamamahayag at tagasuporta ng mga manggagawa na makalapit sa piketlayn.

Mismong hepe ng Marilao Police, isang PSupt. Ricardo Pangan, ang nanguna sa pag-atake sa mga manggagawang nakawelga, alas-11 ng gabi noong Hunyo 3. Tatlong manggagawa ang nasaktan. Nanutok pa ng baril sa mga manggagawa si Pangan.

Samantala, tuloy ang pagbuhos ng mga tagasuporta sa piketlayn. Katuwang sila sa paggiit ng mga manggagawa sa kanilang karapatan sa seguridad sa trabaho.

Katarungang panlipunan

Kilala ang NutriAsia bilang kompanyang lumilikha ng mga pampalasa ng pagkain gaya ng Datu Puti suka at toyo, Mang Tomas All-Around Sarsa, Golden Fiesta at Happy Fiesta Cooking Oil, at iba pa.

Ginagawa ang mga ito sa pinkamalaking planta sa Marilao, Bulacan. Tinatayang P27-Milyon kada araw ang kinikita ng kompanya. Sa 1,500 manggagawa, umaabot sa 100 lang ang regular at lagpas kalahati naman ang kababaihang manggagawa sa loob ng pabrika. Kalahok sila sa produksiyon ng bottling, packing at operation ng mga makina.

“Kagaya ng maraming pabrika ngayon, halos 90 porsiyento ng mga manggagawa sa Marilao Plant ng NutriAsia ay kontraktuwal at dumaranas ng matinding kondisyon sa paggawa,” pahayag ng Nagkakaisang Manggagawa ng NutriAsia, Inc.

Sa pamamagitan umano ng mga ahensiya, naipagkakait sa kanila ang tamang pasahod, seguridad sa trabaho at mga benepisyo. “Hindi pa rin kami regular at nagtitiis pa rin ng minimum na sahod o P380 kada walong oras. Marami sa mga kasamahan namin na naaksidente sa loob ng pabrika ay tinatanggal nang walang nakukuha para palitawing ‘zero accident’ ang rekord ng kompanya,” ayon pa sa naturang samahan.

Dahil sa mismong mga pang-aaping ito kaya natulak ang mga manggagawa na magkaisa sa isang samahan. Nagsampa ang unyon ng petisyon sa Department of Labor and Employment para inspeksiyunin ang naturang planta ng NutriAsia. At totoo nga: nagpag-alaman ng DOLE na ilegal na nag-eempleyo ng mga kontraktuwal ang
kompanya.

“Pero imbis na kilalanin ng unyon, tinanggal ang lima sa aming opisyales habang patuloy ang pananakot na tatanggalin ang lahat ng kasali,” sabi pa nila. “Ginagawang krimen ng NutriAsia ang pag-uunyon, samantalang isa itong karapatan na naaayon sa Saligang Batas at Labor Code.”

Dahil sa mga banta sa kanilang unyon, nagpaputok ng welga ang mga manggagawa noong Hunyo 2. Ang mitsa: imbis na ipatupad ang utos ng DOLE, nagawa pa ng kompanya na magtanggal ng 50 manggagawang miyembro ng unyon.

Magmula noon hanggang sa pagkakasulat ng artikulo, tuluy-tuloy ang pagdeploy ng pulisya para takutin ang mga manggagawa. “Ito’y matapos matagumpay na maparalisa ang produksiyon at distribusyon ng kompanya,” ayon sa unyon.

Hinihiling ng mga manggagawa ang suporta ng mga kapwa nila manggagawa, at ng mga mamamayang nagnanais ng katarungang panlipunan.


 

#SONA2018 | Ligalig at laban ng mga manggagawa sa PLDT atbp.

$
0
0

“Biyernes ng hapon (Hunyo 29), nagtrabaho pa naman kami (sa PLDT),” kuwento ni Jhona. Sumunod na araw, pinatawag sila ng management. “Sinabi na lang (nila) na biglaan: Wala na kaming trabaho.”

Naglabas na noong araw na iyon, Hunyo 30, ng cease and desist order sa kompanya ng telekomunikasyon na PLDT ang Department of Labor and Employment (DOLE) para dapat sana’y matigil ang ilegal na pag-empleyo ng kontraktuwal na mga manggagawa sa mga manpower o third-party agency. Pero sa halip na i-absorb ng naturang kompanya ang mga manggagawa ng mga agency—na siya naman talagang diwa ng utos ng DOLE—hinayaan ng PLDT na mawalan ng trabaho ang mahigit 12,000 manggagawa, kasama ni Jhona.

Apat na buwang buntis si Jhona, may 4-anyos na isa pang anak. Kailangang kailangan niya ng trabaho para sa pamilya niya. Nakaempleyo si Jhona sa SPi, isa sa mga ahensiyang kumukuha ng mga manggagawa para sa PLDT. Dapat, dahil sa utos ng DOLE, gawin na siyang regular na empleyado ng PLDT. Pero sa halip na sundin ng kompanya ang utos ng gobyerno, nagmatigas ito. Mistulang tinanggal pa sina Jhona sa trabaho.

“Ipaglalaban ko (ang trabaho ko), para sa magiging baby ko, at para sa apat na taong-gulang na anak ko,” sabi niya.

Kaisa siya sa kampuhang protesta ng kontraktuwal na mga manggagawa ng PLDT, Kilos Na Manggagawa-PLDT, Defend Job Philippines at Kilusang Mayo Uno (KMU) sa harap ng tanggapan ng kompanya sa Espana, Manila. Ang giit nila: iregularisa ang mahigit 12,000 manggagawa.

Inutil

Bahagi dapat ang desisyon sa PLDT ng mga hakbang ng DOLE para isakatuparan ang pangako ni Pangulong Duterte na wawakasan ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon sa paggawa sa bansa. Katunayan, kontraktuwalisasyon sa PLDT ang pinakauna niyang pinangakong papawiin.

Sa bisa ng DOLE Order 174 at mismong Executive Order No. 51 ni Duterte, iniutos nga ng gobyerno ito sa PLDT. Pero katulad ng nangyayari ngayon sa maraming empresa o pabrika na may utos ang DOLE na iregularisa ang mga manggagawa, nagmamatigas ang mga kapitalista. Alam nila, walang pangil ang gobyerno para ipatupad ang naturang mga utos. Alam nila, sa kadulu-duluha’y sa kanila pa rin papanig ang gobyerno.

“Mula nang pirmahan ni Pangulong Duterte ang EO 51 (at sinasabing) ito na raw ang katuparan ng kanyang pangako na wakasan ang kontraktuwalisasyon, iniikutan lang ito ng mga kompanya, sa anyo ng restructuring,” paliwanag ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU. Pinakamalinaw na halimbawa nito ang PLDT.

Kinumpirma ni mismong DOLE Sec. Silvestre Bello III ang taktikang ito ng mga kompanyang tulad ng PLDT. Sa press conference para ianunsiyo ang clarificatory statement ng ahensiya kaugnay ng DOLE, tahasang inamin ni Bello na di sinusunod ng PLDT ang utos nila. “Para ikutan ang utos (ng DOLE), ang ginawa nila, inutusan nila ang mga empleyado na itinuturing na nating regular na empleyado ng PLDT na mag-aplay…Na hindi tamang aksiyon sa bahagi nila,” sabi ni Bello, sa wikang Ingles.

Magmula Hunyo 5 hanggang sa huling desisyon ng DOLE noong Hunyo 30, nawalan na ng trabaho ang 7,306 na empleyado dapat ng PLDT na dating nasa ilalim ng listed agencies (may mahigit 5,000 pang iba nasa ahensiya na unlisted o hindi pa naisasama sa listahan ng DOLE).

Dahil dito, natulak na ang maraming manggagawa, sa suporta ng Kilos Na Manggagawa at iba pang grupo, na magtirik ng kampuhan sa harap ng tanggapan ng PLDT sa Espana, Manila noong Hulyo 9. Unti-unti, naabot nito ang mga manggagawang kontraktuwal na tinanggal, hindi lang sa naturang tanggapan, kundi sa iba pang opisina ng PLDT sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Noong Hulyo 12, nagsagawa ng malaking pagkilos din sa Mendiola, Manila—malapit sa Malakanyang—ang maraming kontraktuwal na mga manggagawa para igiit ang regularisasyon nila.

Pagkakaisa sa SONA

Sa isang media forum ng KMU hinggil sa kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng rehimeng Duterte, nagsalita ang mga manggagawa ng PLDT, gayundin ang mga manggagawa ng NutriAsia, Monde Nissin, Middleby, Albert Smith Signs (gumagawa ng billboards ng malalaking kompanya), at iba pa, para ipakita na tumitindi lang ang ligalig sa kanilang hanay sa ilalim ni Duterte.

Nagsasagawa ang mga manggagawa sa mahigit 30 pabrika ng mga welga o piket-protesta ngayon, ani Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU. Ang hiling ng mga welga o protestang ito, igiit ang regularisasyon ng mga manggagawa, gayundin ang pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod at kilalanin ang karapatan nilang mag-unyon. Kalakhan sa mga pabrikang ito, ani Labog, may desisyon na ang DOLE na iregularisa ang mga manggagawa, pero hindi ipinapatupad ng mga kapitalista at bagkus ay nagtatanggal pa ng mga manggagawa.

Samantala, ipinagmamalaki ng DOLE na nakapagparegular na raw ito ng mahigit 100,000 manggagawa. Posibleng mabanggit pa nga ito ni Duterte sa kanyang State of the Nation Address o SONA sa Hulyo 23. “Ang tanong namin, bilang nagkakaisang kilusan sa paggawa: Nasaan ba ang 100,000 na iyan? At kung totoo man iyan, ito ay tinatawag na ‘drop in the bucket‘ (patak lang sa balde). (Umaabot sa) 0.4 porsiyento lang ito ng 25 milyong manggagawang kontraktuwal…Aabot sa 60 porsiyento ng labor force participation ang kontraktuwal,” paliwanag ni Labog.

Para sa KMU at iba pang grupong maka-manggagawa, bigong bigo si Duterte na maisakatuparan ang pangako niya na wakasan ang kontraktuwalisasyon. “Wala namang nilalaman yung EO 51 (ni Duterte) kundi pag-uulit lang ng mga probisyon na nasa Labor Code na,” aniya.

Kaya makakaasa lang umano ang mga manggagawa sa sarili nilang lakas, sa mga welga at piket-protesta para igiit ang kanilang mga karapatan. Sa araw ni SONA, muling tutungo sa lansangan ang mga manggagawa, sa pangunguna ng nagkakaisang hanay ng iba’t ibang organisasyon nila, para ipakita ang lakas na ito.

Duguan, lumalaban

$
0
0

Halos dalawang buwan na silang tinataboy, dinidispers, tinatakot. Noong araw na iyon, alas-tres ng hapon ng Hulyo 30, Lunes, habang nagsasagawa ng ecumenical mass ang mga manggagawa at tagasuporta nila, nagpatugtog nang malakas ang mga bantay ng planta ng NutriAsia sa Marilao, Bulacan.

“Wala silang patawad. Nagpatugtog pa ng ‘Budots,’” kuwento ni Reynante Godinez, 38, tumatayong tagapagsalita ng Nagkakaisang Manggagawa ng NutriAsia – Marilao Plant (NMN Marilao). Maingay na tugtog pangsayaw ang “Budots.” Nangungutya ba ang manedsment sa kalagayan ng mga manggagawa bilang kontraktuwal at tinanggal sa trabaho? Ang ibig sabihin kasi ng “budots”, tambay, walang trabaho. Pinauso ito ng mga tambay sa Davao City.

“Nakakuha sila (manedsment) ng permanent injunction ordersa korte laban sa piketlayn namin. Dahil doon, nagdesisyon kami na ‘yung araw na ‘yun ay huling araw na namin (sa piketlayn). Kaya nagdesisyon kami na magpamisa. Para makita na hindi pa naman namin isinusuko ang laban,” kuwento ni Reynante.

Patapos na ang misa noon, at nagsalita na lang ang mga lider para magbigay ng mensahe sa mga manggagawa.”(May) puwersa na sa amin (ang mga security). Naghanay kami. Dinikdik kami sa gilid. Nung pagsabi natin na ipuwesto sa hanay, dinikdik kami nang dinikdik,” aniya.

Humanay ang mahigit 50 securityng NutriAsia. Armado ito ng malalaking truncheon at yantok. Sa kanilang hanay, mga pulis ng Bulacan. Isa sa mga nagkokomand, ang mismong hepe ng Philippine National Police (PNP) sa Meycauayan, Bulacan, si Supt. Santos Mera Jr.

“Mga siyam na minuto lang ang itinagal ng dispersal,” kuwento pa ni Reynante. Ang isang bahagi ng piketlayn, napaupo habang nagpopormasyon ang mga security at pulis. Pinaghahampas ng mga security ng kanilang truncheon ang nakaupong mga tao.

Nasa nakaupong hanay ng mga tao si Aling Leticia Retiza, 56, taga-Bulacan na miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, isa sa maraming tagasuporta ng piketlayn ng mga manggagawa sa NutriAsia. Sa bidyo ng AlterMidya (alternatibong media network na nagkober noon sa piketlayn), nakita si Aling Leti na nakikiusap sa mga security. “Walang sakitan!” paalala niya. Ayon sa mga saksi, nang magkagulo, tinamaan siya ng malaking bato na mula sa hanay ng security.

Sa footage na kuha ni Eric Tandoc bago siya hulihin, makikita si Aling Leticia na nakikipag-usap sa mga security at pulis na huwag manakit. <b><p class=Screengrab: Altermidya” width=”1366″> Sa video na kuha ni Eric Tandoc bago siya hulihin, makikita si Aling Leticia na nakikipag-usap sa mga security at pulis na huwag manakit. Screengrab: Altermidya

* * *

Tuluy-tuloy na ang dispersal. Tulak, hampas ng yantok at truncheon ang inabot ng mga taong nasa piketlayn. Nandito ang mga manggagawa, kaanak nila, tagasuporta (nandoon ang ilang miyembro ng Anakbayan tulad nina Mark Quinto at Einstein Recedes, pangkalahatang kalihim ng organisasyon).

Kasabay ng paghahampas ang pagdampot ng mga security at pulis sa mga tao. Kinuha sina Mark at Einstein, at iba pa. Kinaladkad habang sumisigaw si Jon Bonifacio, estudyante ng BS Molecular Biology and Biotechnology at isang campus journalist sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Hinaltak ang mga manggagawa at ilang tagasuporta.

Hinaltak at nakaladkad din si Fr. Rollie de Leon, Katolikong pari na siyang isa sa mga nangasiwa sa misa. “Ang hitsura (noon) ni Fr. Rollie, parang ginahasa,” kuwento ni Fr. Marvin de Leon (walang relasyon), pari ng United Methodist Church na isa rin sa mga nangasiwa ng misa. Luray-luray ang damit ng pari. “Kinaladkad, hinila siya. May sumigaw lang na ‘taong-simbahan iyan’ (kaya natigil).” Ani Fr. Marvin, nagsasalita si Fr. Rollie sa sound system: “Sino po ang ground commander?” Pinagpatayan siya ng sound system. Kinuha ng mga security at pulis ang gamit na ito.

“Pati ‘yung crucifix at altar na ginamit namin (sa misa), di na nirespeto, nawasak ‘yun, Binalibag din ‘yung krus. Hindi namin alam kung nasaan na,” ani Fr. Marvin.

Samantala, nandoon din at nagkokober ang ilang miyembro ng alternatibong midya, ang AlterMidya at Radyo Natin-Guimba. Sina Eric Tandoc at Hiyasmin Saturay, dalawang documentary filmmakers na nagsisibling correspondents ng AlterMidya, gayundin ang isa pang correspondent na si Avon Ang at ang intern nitong si Psalty Caluza, estudyante sa UP College of Mass Communication.

Sa mga video ng dispersal, mula mismo kina Eric, Hiyasmin, at kay Jek Alcaraz ng Radyo Natin-Guimba, at sa mga miyembro ng Anakbayan at mismong mga manggagawa, nakita na tahimik na nagkokober ang mga miyembro ng midya nang hulihin sina Eric at Hiyasmin. Kinumpiska pati ang mga gamit nila, na tinatayang nagkakahalagang P100,000. Si Avon, tinutulungan ang sugatang si Aling Leti nang pati siya’y damputin.

“Umatras lang nang ilang metro ang mga manggagawa para malaman kung sino ang mga nasaktan o nadampot,” ani Reynante. “Inalam namin kung sino ang nagtago sa mga bahay (sa palibot ng piketlayn).”

* * *

Tapos na ang dispersal at nakaatras na ang mga manggagawa. Pero nagbahay-bahay pa ang mga pulis at guwardiya, kuwento pa ni Reynante. “Iyung iba, nasa ibang lugar na, hinabol pa rin nila. Yung mga bahay na inupahan ng mga manggagawa, mga apartment, pinuntahan nila, pinasok. Kinuha ang mga tao na nandoon,” aniya. Di niya tiyak kung ilan, pero may mga nakuha sa mga bahay na nakasama sa 19 na kinulong ng pulis.

“Yung manedsment, pinuntahan ‘yung mga bahay na malalapit dun sa piketlayn. Kinausap ang mga may-ari ng mga bahay para paalisin (ang mga manggagawa),” ani Reynante.

Dinala sa PNP Meycauayan ang 19 katao, kasama sina Eric, Hiyasmin, Avon, Psalty, Jon, Einstein, at Mark. Gabi na nang matunton ng rumespondeng paralegal team at mga tagasuporta.

Madaling araw na rin nang dalhin sila sa Malolos Provincial Hospital para ipasailalim sa medico-legal exam. Umaga na nang dalhin sila sa piskal para sampahan ng “reklamo” ng mga pulis. Nadagdagan din sila. Isang Edwin Barana ang pinakilala ng mga pulis sa midya. Kasama raw ito ng mga nagpiket. Nakuhanan daw siya ng baril at mga sachet ng shabu.

Pero sa pakikipag-usap sa piskal ng Meycauayan, inamin ni Barana na napuwersa lang siyang umamin sa bintang. Taong 2016 pa umano siya nakakulong. Binugbog siya ng mga pulis para puwersahing magsalita sa midya at sabihing bahagi siya ng mga nagpipiket noong araw na iyon.

Dalawang araw pa matapos, Agosto 1, nang mapalaya ang 19 dahil wala namang kasong maisampa ang piskal laban sa kanila. Ibinalik umano ng piskal sa pulisya ang kaso para sa preliminary investigation dahil hindi niya matanggap ang mga “ebidensiya” ng pulis laban sa 19.

Si Hiyasmin Saturay (may itim na bag), matapos puwersahang kunin ng mga security ng NutriAsia at pulis habang kumukuha ng bidyo sa piketlayn ng mga manggagawa roon. <b><p class=Screengrab: Altermidya” width=”796″> Si Hiyasmin Saturay (may itim na bag), matapos puwersahang kunin ng mga security ng NutriAsia at pulis habang kumukuha ng bidyo sa piketlayn ng mga manggagawa roon. Screengrab: Altermidya

* * *

Sa estasyon sa radyo na DZBB noong araw na iyon, Agosto 1, tumawag si Thelma Meneses, tagapagsalita ng NutriAsia. Nanawagan siya sa publiko na sana marinig daw ang panig nila. Kahit pa sa mga coverage ng balita sa telebisyon, tila mas sila na nga at ang mga pulis ang nakakapanayam at nakukuhanan ng bersiyon ng pangyayari.

“Sana marinig din ang hinaing namin. May nanggugulo lang sa kanila. Nagaganap noon ang mediation sa Department of Labor and Employment,” apela ni Meneses. “Marami kaming tiniis sa mga negosasyon.”

Pero kumalat na sa social media ang balita ng marahas na demolisyon. Kumalat ang larawan ng duguang mukha ni Aling Leti. Kumalat ang video ng AlterMidya at Radyo Natin-Guimba, at Anakbayan. Umigting na ang panawagang pagboykot sa mga produkto ng NutriAsia. Hindi mapasusubalian: Mapayapa ang piketlayn nang inatake ito ng mga security at pulis. Sobrang dahas ang ginamit sa mga tao. Ang masama pa, kinulong at tinangkang kasuhan ang 19, pati na ang mga miyembro ng midya na nagkokober sa pangyayari.

“Puwede namang mag-usap nang mapayapa. Kapwa namang Pilipino. Legal naman ang piket ng mga tao. Iyung (misa) naman ay thanksgiving. Humingi sila ng tulong sa taong-simbahan para magdaos ng panalangin,” ani Fr. Marvin.

Itutuloy ng mga manggagawa ang piketlayn, sabi ni Reynante. Regularisasyon sa NutriAsia at hindi sa mga ahensiya ang hiling nila. Kung may nagbago man sa kanila matapos ang pangyayari, mas buo ang loob nila ngayon.

May ulat nina Jennelie Francisco at Ryan Plaza

Panganib sa trabaho

$
0
0

Araw dapat nila noon, araw ng lahat ng katulad niya. Sa halip, naranasan ni Mae Ann Gausit, 30, ang pinakamasakit at malupit na karansan sa kanyang buhay noong Mayo 1, 2018, Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Nagtatrabaho siya sa isang pabrikang gumagawa ng mga materyales sa konstruksiyon, ng iba’t ibang parte sa bahay na gawa sa bakal at plastik. Matatagpuan ito sa sinasabing “plastics capital” o sentro ng mga pagawaan ng plastik sa bansa—Valenzuela City.

Walang pasok o holiday dapat ang Mayo 1. Pero ang iba sa mahigit 30 manggagawa sa pabrika, inobligang magtrabaho. “In-alternate nila (kami). Halimbawa, holiday ngayon, papasukan pa namin, sa sunod na araw, wala po kaming pasok. Hindi siya double pay, o wala po siyang (dagdag na) bayad,” paliwanag ni Mae Ann.

Mae Ann Gausit, 30. Hazel Gane Pilapil

Alas-singko ng hapon noon. Door pad (iyung nakapatong sa door knob sa ilang mamahaling pinto) tinatakbo ng mga makina. Operator si Mae Ann ng isa sa mga makina na nagmomolde ng door pad.

“Pagkuha ko (ng door pad), yung dulo ng damit ko, pumasok sa switch,” kuwento niya. Hinawi niya ang damit niya. Nahatak ang switch. Ang nakabukas ang dalawang nag-uumpugang bakal na nagmomolde ng door pad, biglang nagsara. Sakto, nasa gitna pa ang kaliwang kamay niya.

“Noong panahong iyon, ako lang ang nasa machine. Wala kaming kasamahan kasi holiday. Wala rin ‘yung boss namin. Wala rin ‘yung operator,” aniya.

Durog ang kamay ni Mae Ann. Nakalaylay ang natitirang laman at buto, pero hindi pa gaanong dumudugo ito. “Tumakbo ako palabas, dala-dala ko pa yung kamay ko. Hawak-hawak ko,” sabi pa niya. Humingi siya ng saklolo sa nagulat niyang mga kamanggagawa. Maya-maya, nawalan na siya ng malay.

Dinala si Mae Ann sa sasakyang pang-delivery ng kompanya. Hindi man lang nakatawag ng ambulansiya. Mula sa Valenzuela, tinakbo si Mae Ann sa Philippine Orthopedic Center. Isang oras din ang tinagal ng biyahe. Pumila pa siya, sa dami ng pasyente.

Maraming pang biktima

Karima-rimarim ang nangyari kay Mae Ann. Pero hindi siya ang una o huling naaksidente—sa kompanya pa lang nila. “Pangatlo na ako. May mga naputulan ng daliri dati. Pero ako na ang pinakamalubha,” aniya.

Noong araw ring iyon, may isa pang manggagawa, tinamaan ng bakal sa ulo. Ani Mae Ann, dinala lang siya sa canteen. At ginamot—ng dinikdik na dahon ng malunggay. “Wala man lang first aid,” aniya.

Tumindi ang problema ni Aling Lea sa baga dahil sa pagtrabaho sa pabrika. <b>Hazel Gane Pilapil</b>

Tumindi ang problema ni Aling Lea sa baga dahil sa pagtrabaho sa pabrikang Sampson Build Product Corp. Hazel Gane Pilapil

Mistulang bukas na sikreto sa lungsod ang mga kuwento ng aksidente sa mga manggagawa sa loob ng mga pagawaan. Matindi ang kalagayan ng mga pagawaan: Kadalasang maiinit, kulang sa bentilasyon, kulang o walang kagamitang proteksiyon sa manggagawa. Langhap ang amoy ng mga kemikal na ginagamit sa mga plastik at bakal. Maiinit at mapanganib ang mga makina. Kulang sa maintenance. Laging nasisira.

Sa pabrika ng Sampson Build Product Corporation sa Valenzuela, nagtrabaho si Aling Lea (di tunay na ngalan). Nagtatrabaho siya sa mga tela, pero langhap niya ang lahat ng alikabok at amoy ng mga kemikal ng plastik sa buong pabrika. Dahil dito, nagkasakit siya ng matinding sinusitis. At dahil sa sakit niya, tinanggal siya sa trabaho.

“Kaya nireklamo ko sila sa DOLE (Department of Labor and Employment),” ani Aling Lea. Nakakuha siya ng backwages. Ngayon, wala na siyang trabaho, at nagtitinda na lang ng lutong pagkain sa kanilang bahay sa Pearl Island, Valenzuela. Pero kapag inaatake ng matinding ubo, hindi siya nakakapagluto. Walang mapakain sa mga anak kapag di nakakapagtrabaho.

Samantala, inilalaban din ni Mae Ann ang kaso niya sa DOLE. Noong una, aniya, inalok siya ng settlement na P80,000. Habambuhay ang pagkawala ng kamay, at pagkawala ng kabuhayan. Ang P80,000, sa ilang buwan lang, ubos na. Hindi siya pumayag. Tinanong din niya sa manedsment ng kompanya kung papaano ang pagkubra niya sa Social Security System (SSS). Ang sabi ng kompanya, sa kanyang ahensiya (dahil kontraktuwal siya, at sa ahensiya “regular”) itanong. Pero ang ahensiya, hugas-kamay rin.

Inakyat sa P130,000 ang alok ng kompanya. Basta huwag na raw kumubra sa SSS. “Napag-alaman kong hindi pala sila nagbabayad sa SSS ko, kahit kinakaltasan ako,” kuwento pa ni Mae Ann. Kaya pala ayaw na siyang pakubrahin sa SSS, kasi tiyak na mabubuking ang ahensiya at kompanya na binubulsa lang nila ang kontribusyon ng mga manggagawa sa SSS at di binabayad. Tumanggi siya sa bagong alok, at inireklamo na sa DOLE.

“Sa ngayon, wala pa rin silang kontak sa akin,” ani Mae Ann, patungkol sa kompanya at manedsment. “May nakapagsabi sa akin (na dating katrabaho sa pabrika) na di na raw ako makakapasok sa compound (ng pabrika).”

Di biro ang dinaranas niya: Araw araw na sakit ng katawan, pangangalay. Wala pa riyan ang pakiramdam na hindi na siya kumpleto, wala nang kamay, hindi na pantay ang katawan, tagibang na. May panahong nagkulong lang siya sa bahay, sa hiya, at para iwasan ang pangungutya.

Napangibabawan lang niya ito nang magdesisyong ilaban ang kanyang kaso—sa tulong ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan at iba pang progresibong grupo sa lugar.

Bulnerable kasi kontraktuwal

Bulnerable ang mga manggagawang tulad nina Mae Ann at Aling Lea sa mga aksidente sa di-ligtas na trabahuan. Bukod sa di-ligtas na mga pagawaan, bulnerable rin sila sa kanilang istatus sa trabaho—bilang mga kontraktuwal.

Si Mae Ann, pinagpasa-pasahan sa pagitan ng kompanya at agency noong nagtatanong na tungkol sa kompensasyon niya bilang biktima ng aksidente sa trabaho. Nagtuturuan ang dalawa sa kung sino ang dapat managot.

Nitong Lunes, Agosto 20, pinirmahan ni Pangulong Duterte ang  Republic Act 11058 o An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards (OSHS). Batay ito sa panukalang batas ng Gabriela Women’s Party. Bagamat “napahina” ang mga probisyon nito sa proseso ng deliberasyon sa Kongreso, maituturing na dagdag na legal na kasangkapan ito ng mga manggagawa para igiit ang karapatan sa ligtas na lugar ng trabaho.

Ayon kay Rochelle Porras, executive director ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), medyo kumapos ang naturang bagong batas, halimbawa, sa pagpataw ng P100,000 lang kada araw na multa sa bawat araw ng paglabag ng kompanya. “Gusto sana natin i-criminalize (ang mga paglabag ng mga kompanya),” aniya. Gayunman, magagamit ang batas, halimbawa, para igiit ang inspeksiyon sa mga pabrika sa loob ng export processing zones, anumang oras. Gagawin din umanong mas istrikto ang pagpapatupad ng maayos na pagsasanay sa mga manedsment at manggagawa kaugnay ng safety.

Para sa Institute for Occupational Health and Safety Development (Iohsad), “Malaking ganansiya pa rin ang makasaysayang pag-apruba sa OSH Bill para sa hangad ng mga manggagawa at biktima para sa hustisya. Positibong hakbang ito sa kampanya natin para igiit ang batayang karapatan ng mga manggagawa sa kalusugan at kaligtasan.”

Gayunman, tulad ng iba pang deklarasyon o hakbang ni Duterte kaugnay ng mga manggagawa, ang mahalaga’y maayos na maipatupad ang batas na ito—para bigyan-hustisya ang mga biktima (tulad ng 74 manggagawang nasawi sa sunog sa pabrika ng Kentex sa Valenzuela din, noong Mayo 2015). Ang problema, kung pagbabatayan ang implementasyon sa deklarasyon ni Duterte kontra sa kontraktuwalisasyon, malamang na hindi basta-basta maipapatupad ang batas ng mga kapitalistang gusto laging nakakatipid kahit napapahamak ang mga manggagawa.

Para kina Mae Ann at Lea, natutulak lang ang gobyerno at mga kapitalista kung kumikilos at nagbubuklod ang mga manggagawa sa paggiit ng kanilang mga karapatan. Pareho silang matapang na nagsampa ng kaso sa mga kompanyang pabaya sa kanilang kalagayan.

Pero higit dito, nakikiisa sila sa kolektibong pagkilos ng mga manggagawa—tulad ng mangyayaring Martsa ng Manggagawa sa Agosto 27 sa Mendiola para igiit ang pagpawi sa kontraktuwalisasyon at paggalang sa kanilang mga karapatan.

May ulat ni Hazel Gane Pilapil 

Para sa jeepney, para sa pangmasang transport

$
0
0

Maaga pa noong Araw ng mga Bayani, Agosto 27, pero nagdagsaan na sila sa National Press Club sa Intramuros, Manila. Bago matapos ang umaga, umabot sa 70 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga jeepney driver at operator sa Kamaynilaan ang dumalo, at nagpakita ng suporta sa Transport Unity Summit Against Jeepney Phase-out na inorganisa ng No to Jeepney Phase-out Coalition (NTJPOC).

Ang panawagan nila: Itigil na ang atake ng administrasyong Duterte sa kanilang mga kabuhayan bilang drayber at operator ng mga jeepney. Panawagan din nila na sa halip na puwersahang pawiin ang mga jeepney sa mga kalsada ng bansa, ituon na lang ang mga rekurso ng gobyerno sa rehabilitasyon ng mga jeepney para gawing mas maka-kalikasan at episyente ito.

Dumalo rin sa pagpupulong sina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Sen. Grace Poe, tagapangulo ng Senate Public Services Committee.

Tinutuloy pa rin

Sa kabila ng mga deklarasyon ng administrasyong Duterte at Department of Transportation na inaaral pa nito ang implementasyon ng planong jeepney modernization, pansin ng mga drayber at operator na umaarangkada na ang planong ito.

“’Wag na tayong magbulag-bulagan. Anumang tatwa n’yo dyan (jeepney phaseout), kakaharapin natin ‘yan sa darating na mga buwan,” ani George San Mateo, pambansang pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa harap ng mahigit 700 jeepney transport leaders mula pa sa iba’t ibang panig ng bansa. Ito’y dahil bagamat madalang na ang panghuhuli sa kalsada, tahimik at mapanlinlang pa ring isinusulong ng administrasyong Duterte ang phase-out sa pamamagitan ng memorandum circulars.

Noong Marso 16 lang, inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Memorandum Circular No. 2018-008. Dito inoobliga ang indibidwal na franchise operators na magbuo ng koop o korporasyon ang mga drayber at operators bago March 18, 2019 para sapilitan silang bumili ng mamahaling solar, electric at euro 4 vehicles, alinsunod pa rin sa “modernisasyon ng jeepney” ng administrasyong Duterte na ipapatupad ng DOTr at LTFRB sa ilalim ng Dept Order 2017-011 o Omnibus Franchising Guidelines (OFG). Ang hindi makapag-aplay sa LTFRB o di kaya nama’y nag-aplay pero di-makapasa bago ang takdang oras ay tatanggalan ng prangkisa. Kung makapasa naman, sapilitan pa ring ipe-phaseout ang lumang mga jeep sa June 2020.

Kung makakapasa man ang isang jeep at/o operator, pagkalipas pa lang ng tatlong araw matapos makapasa ay kailangan nang bumili ng bagong sasakyang nagkakahalaga ng P1.2- hanggang P1.8-Milyon. Ang hindi makatugon, may multang P5,000 kada araw. Kinakailangan ding may terminal sila sa magkabilang dulo ng kanilang ruta, may garahe na kasya ang lahat ng sasakyan, may mga mekaniko at iba pa. Malinaw na hindi sasapat ang kakayanan ng mahihirap na tsuper at operator upang tumalima rito.

“’Wag na tayong mangarap. Gusto rin sana natin na magkaroon din tayo ng mga idini-display nila na mga sasakyan na napakagaganda pero hindi talaga natin makakayan ito,”ani pa ni San Mateo.

Para sa mga driver at operator, ang sapilitang pagbubuo ng kooperatiba o korporasyon ay bitag para malagay sa isang papel ang kalat-kalat na prangkisa ng indibidwal na mga operator. Dahil dito, mas madali para sa gobyerno ang manakot na babawiin ang kanilang mga prangkisa kapag hindi sila bumili ng bagong sasakyan. Maaari rin umanong maipanakot ito sa mga driver na sasama sa mga welga at protesta. Malinaw din daw na negosyo at korporatisasyon ang tunay na motibo ng gobyerno sa likod ng pekeng modernisasyon.

“Ginagawa tayong alipin dahil sa kinokontrol nila (gobyerno) ang ating kabuhayan,” sabi pa ni Almario Lopez, lider ng Piston-Southern Tagalog.

Kuha ni <b>Jennelie Francisco</b>

Kuha ni Jennelie Francisco

Rehabilitasyon, hindi phase-out

Ibinida naman ni San Mateo sa isang Facebook post ang litrato ng isang “remodeled” at “rehabilitated” jeepney na umano’y compliant sa body specifications ng OFG, at pasado rin sa emission-testing at road-worthiness inspection.

Nagkakahalaga lang ang nasabing jeep ng P400,000 – higit na magaang sa bulsa ng maliliit na operators at madaling gawin para sa lokal na jeepney assemblers kumpara sa mamahaling mga sasakyan na ipinagpipilitan ng gobyerno. Ayon pa kay Mateo, di rin dapat ipilit ng pamahalaan ang pagkokonsolida ng mga prangkisa at gawin na lang na boluntaryo ito. Hindi na rin kailangan ito sapagkat kaya naman ng isang asosasyon na magsagawa ng maayos na fleet management habang napapanatili ang pagmamay-ari ng sarili nilang prangkisa.

Malinaw para sa mga drayber na ang makikinabang sa jeepney phase-out ay pribadong mga korporasyon na siyang “magmomodernisa” raw sa mga jeep – sa halagang di bababa sa P1-Milyon kada sasakyan.

Dahil dito, hinimok ni Zarate ang mga driver na ipagpatuloy ang laban kontra phase-out at sinabing ang kanilang pakikibaka ang nagtutulak sa gobyerno na muling pag-isipan ang kanilang programa.

“Kaya kahit na sinabi na ni Pangulong Duterte na ‘kayong mahihirap, pasensiya kayo, ‘pag Enero 1 (2018) ay guguyurin ko ang mga sasakyan ninyo’, halos magtatapos na ang 2018 hindi pa nangyari, dahil lumaban ang mga mamamayan. Lumaban kayong mga tsuper,” ani Zarate.

Samantala, bagamat nilinaw ni Poe na hindi siya tutol sa modernisasyon ng mga jeep, pipilitin umano niyang humanap ng mga paraan para matulungan ang mga jeepney driver, kagaya na lang ng pagpapataas ng kakatiting na P80,000 financial assistance na ipinagyayabang ng gobyerno.

“Dapat sabihin natin sa DOTr, ano ba ‘yong arrangements sa mga bangko? Dapat ang interest rates (ay) mababa at available. Kung ang down payment, puwedeng taasan nang konti, kung kakayanin ng gobyerno, bakit hindi?” sabi niya.

Nangako rin si Poe na iipitin ang badyet ng DOTr kung hindi nito matutugunan ang mga tanong at hinaing ng mga tsuper.

“Ngayon, nasa kapangyarihan ng Kamara at Senado na gawin ‘yan. S’yempre, ayaw naman natin gawin na basta iipitin ang badyet dahil maraming apektado. Pero kailangan muna nilang patunayan ang kanilang sarili na sa tamang paraan nila ginagasta ang pera na pinapamahagi ng taumbayan,” dagdag pa ni Poe.

Sa patuloy na pakikibaka, hinihimok ng mga manggagawa ang sambayanan na makiisa sa kanilang laban.

“Ang problema na lang talaga natin, pa’no pagkaisahin ‘yong malawak na sektor sa hanay natin. Kailangang aktibo nating tutulan at labanan at kumilos tayo. ‘Pag hindi tayo kumilos, hayaan na lang natin sila, bukas wala na tayong ruta,” sabi pa ni San Mateo.

Sa malakas at malawak na pagkakaisa ng mga tsuper at operator sa Transport Summit, maaaring tumungtong ang mas malakas pang pambansang kampanya laban sa korporatisasyon ng sektor ng transport (o pagpasa sa malalaking kompanya sa serbisyo ng transport). Sa kahuli-hulihan kailangan din umanong ipaglaban ng mga manggagawa at miyembro ng sektor na ito ang isang sistema ng transportasyon na pangmasa, pampubliko (ibig sabihin, pinatatakbo ng gobyerno) at di monopolisado ng iilang malalaking kompanya.

Asahan daw na hindi nila hahayaang basta-basta na lang wasakin ng administrasyong Duterte ang kabuhayan ng daan-daanlibong drayber at operator sa buong bansa at pinsalain ang milyun-milyong mahihirap na mananakay dahil sa palagiang pagtaas ng pasahe na idudulot ng phaseout.

Kontra taas-presyo ng bilihin

$
0
0

Hindi maitatanggi: papatindi nang papatindi ang krisis sa ekonomiya ng bansa. Kapansin-pansin at ramdam na ramdam ang tuluy-tuloy na taas-presyo ng mga bilihin.

Noong Setyembre 2017, nasa P100 ang kada kilo ng bangus. Ngayon, nasa P140 na, ayon sa Manila Price Bulletin. Ang presyo ng manok, P90 kada kilo, pero ngayon P115 na. Ang presyo ng kamatis, mula P28 ay nasa P60 na kada kilo. Katunayan, umabot na sa 6.7 porsiyento ang inflation (o pagtaas ng presyo ng mga bilihin) sa bansa ngayong Setyembre 2018. Ito ang pinakamataas na inflation sa loob ng siyam na taon. Mas mataas ito sa 6.4 porsiyentong inflation noong Agosto 2018.

Pero kayang maampat ang walang habas na taas-presyo ng batayang mga bilihin. Ito ang sabi ng progresibong mga ekonomista at eksperto, kaugnay ng papalalang krisis sa ekonomiya sa bansa. Kaya, kung gugustuhin ng gobyerno. Pero maraming dahilan kung talagang ayaw masolusyonan ito.

Pagkontrol sa presyo ng batayang mga bilihin (langis at mga pagkain) ang isa sa mahigpit na iminumungkahi ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, progresibong institusyon sa pananaliksik. Gayundin ang sabi ng iba’t ibang organisasyong masa, katulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Gabriela, at iba pa.

At naaayon ito sa batas. Nakasaad sa Section 7 ng Republic Act No. 7581 o ang Price Act of 1992 na maaaring magrekomenda ang National Price Coordinating Council (NPCC) sa Pangulo na magtakda ng price ceiling (o limit sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin) tuwing umaabot na sa di-makatwirang antas ang mga presyo.

“Kailangang kagyat na magbigay ng ayuda ang gobyerno sa milyun-milyong mahihirap na Pilipinas at iyung nasa panggitnang uri. Kabilang dito ang agarang pagkontrol sa presyo, pagtigil sa pagbubuwis sa paggastos sa ilalim ng Train (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) at nakabubuhay na dagdag-sahod,” sabi ni Africa. “Dapat ding gumawa ng mga hakbang para mapalakas ang domestikong agrikultura at industriyang Pilipino.”

Pero sa halip na gawin ito, ang ipinapatupad ng rehimeng Duterte: walang habas ding pag-aangkat ng bigas. Ang kinababahala ngayon ng mga magsasaka, lalong sumadsad ang kabuhayan nila at lalong masadlak sila sa hirap – silang mayorya ng mga Pilipino na nakatali sa agrikultura ang kabuhayan.

Solusyong di-epektibo

“Inaprubahan na ng Presidente ang walang-harang na importasyon ng bigas,” sabi ni Roque, sa isang kumperensiya sa midya noong Martes, Oktubre 9. “Wala na pong restriction ngayon, basta magbayad lang ng taripa at gagamitin natin ang taripa na ito para sa ating mga magsasaka.”

Pero paliwanag ni Arnold Padilla, mananaliksik at manunulat, sa kanyang blog (arnoldpadilla.com), karanasan na ng bansa na patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas kahit na tumindi ang importasyon ng bigas nitong nakaraang dalawang dekada.

“Bago ipanganak ang World Trade Organization noong 1995, may average na 2.45 porsiyento lang (1990 hanggang 1994) ang rice import dependency ratio (o ang tantos ng pag-aasa ng bansa sa imported na bigas kumpara sa kabuuang kinukunsumong bigas sa bansa) ng bansa. Sa huling lumabas na 10-taong average (2006 hanggang 2016), tumaas ito nang 4.5 beses tungong 11.06 porsiyento,” sabi ni Padilla.

Samantala, patuloy na tinatanggihan ng economic managers ng rehimeng Duterte ang pangukalang pagkontrol sa presyo ng batayang mga bilihin. Ang dinadahilan nila, baka matulak lang ang retailers na magsagawa ng hoarding ng kanilang mga suplay. Pero ang totoo, may kapangyarihan din ang mismong gobyerno na bantayan ang naturang retailers at hulihin ang nagsasagawa ng hoarding.

Samantala, patuloy na minamaliit ng rehimeng Duterte ang epekto ng taas-presyo ng mga bilihin sa ordinaryong mga mamamayan.

“Nakaranas na rin tayo ng mas mataas pang inflation noong nakaraan. Wala itong malaking diperensiya,” sabi ni Budget Sec. Benjamin Diokno. Sa kabila ito ng matinding nararanasan ngayon ng mga mamamayan sa bawat pagtaas ng presyo.

Sabi nga ni Africa, ramdam na ramdam ng mahihirap ang kahit kaunting taas-presyo dahil simula’t sapul, di na sumasapat ang kanilang sahod para makaagapay sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Protesta ng mga tsuper at iba pang sektor kontra sa pagtaas ng presyo ng gasolina nitong nakaraang linggo. <b>Defend Job PH</b>

Protesta ng mga tsuper at iba pang sektor kontra sa pagtaas ng presyo ng gasolina nitong nakaraang linggo. Defend Job PH

Ugat ng krisis

Sa kabila ng tumitinding krisis pang-ekonomiya sa ilalim ni Duterte, dapat umanong suriin ang mas malalim na ugat nito.

Ayon sa Ibon, sapat at nakakapagsarili ang suplay ng Pilipinas at nagagawa pang mag-eksport ng bigas hanggang dekada ‘80. Taong 1993 nang magsimula na itong mag-angkat ng bigas mula sa Vietnam at Thailand at ngayo’y isa na sa mga top importer nito.

Mauugat umano ang kalagayang ito sa pagiging labis na atrasado ng produksiyong agrikultural sa bansa at sa kapabayaan ng gobyerno para paunlarin ang sektor. Nananatiling makaluma ang mga kagamitan, hindi mekanisado ang produksiyon at lampas kalahati pa rin sa mga taniman ang walang irigasyon. Kung ikukumpara rin sa mga katabing bansa nito, umaabot lang sa apat na milyong ektarya ng lupa ang nakalaan para sa bigas. Kung ikukumpara sa mga katabing bansa, umaabot sa mahigit pitong milyon ang inilalaan ng Vietnam at mahigit sampung milyon naman sa Thailand.

Dagdag pa rito, ayon sa Ibon, nanatiling small-scale at mababa ang produksiyon ng bigas sa bansa. Ang patuloy na kumbersiyon ng mga taniman tungo sa komersiyal na gamit, maging ang kumbersiyon ng staple crops tungo sa mga produktong pang-eksport ang siyang nagiging dahilan ng palagiang krisis sa suplay ng bigas sa bansa.

Samantala, higit pang pinaiigting ang krisis dulot ng kawalang lupa ng mga magsasaka. Sa kabila ng repormang agraryo ng mga nakalipas na administrasyon, nananatiling monopolisado at kontrolado ng iilang makapangyarihang pamilya sa bansa ang malalawak ng mga lupain.

Ilan sa mga ito ang malalaking negosyante rin sa bansa gaya nina Henry Sy, pamilya ng mga Zobel de Ayala, Roxas, Lopez, Yulo, Floirendo, Consunji, ang mga Cojuangco ng Negros, Cojuango-Aquino ng Gitnang Luzon. Sa kalagayang ito, pito sa bawat 10 magsasaka sa bansa ang nananatiling walang sariling lupa. Dagdag pa rito, para maikutan ang pagpapasailalim ng mga ito sa repormang agraryo ng pamahalaan, pinag-iibayo ang land conversion o pagpapalit gamit sa mga agrikultural na lupa patungo sa pagiging industriyal at komersiyal. Dahil dito, kaliwa’t kanan din ang pangangamkam sa mga lupang bungkalan gaya ng nangyayari sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa Tarlac, Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas.

Ang kalunus-lunos na kalagayang ito ng mga magsasaka at pagiging lubhang atrasado ng sariling agrikultura ang siyang nagbubunsod ng palagian at patuloy pang tumitinding krisis sa suplay ng bigas at pagkain sa bansa.

Taas-presyo ng langis

Ayon sa Ibon, ang deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon sa ilalim ng mga patakarang neoliberal sa ekonomiya na pinaiiral mula dekada ’80 ang higit pang nagpapasahol sa nararanasang krisis ng bansa.

Ang deregulasyon sa industriya ng langis ang dahilan ng maya’t mayang pagtataas ng presyo nito at siya ring nagbubunsod ng pagsirit ng presyo ng mga bilihin at nagpapalubha sa nararanasang inflation. Taong 2001 nang malagdaan ang Oil Deregulation Law na nagpatubay sa polisiya ng kawalan-ng-kontrol ng gobyerno sa industriya ng langis, partikular sa kawalan nito ng kontrol sa presyo na siyang dinidiktahan naman ng mga monopolyong kompanya ng langis.

Samantala, higit pang pinatitindi ng bago at mas matataas na buwis sa ilalim ng Train ang dagok na dulot ng kaliwa’t kanang oil price hike. Sa ilalim nito, pinatawan ng bagong excise tax ang diesel na umaabot sa P2.50 kada litro at P3.00 kada litro naman para sa kerosene. Bukod pa rito, tinaas naman ang mga excise tax ng gasolina na aabot sa P1.65-2.65 hanggang P7.00 kada litro.

Samakatwid, ang mga dagdag-singilin sa ilalim ng Train ang responsable sa one-fourth na pagsirit ng presyo ng krudo. Magpapatuloy pa umano ang pagdadagdag ng excise tax sa mga produktong petrolyo at tinatayang aabot ang permanenteng dagdag singil sa P6.72 kada litro ng diesel, P5.60 para sa kerosene at hanggang P6.33 para sa gasolina.

Kontrol sa presyo, pagkilos ng bayan

Sa harap ng pinakamataas na tantos ng inflation at ang nagtataasang presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo, kinakailangang makamit ng mga mamamayan, lalo na ng mahihirap, ang kagyat na mga solusyon upang arestuhin ang mga epekto nito.

Pangunahin dito ang agarang na pagtataas ng sahod upang humabol sa P1,168 family living wage kada araw. Igiit dapat ng mga manggagawa na ipatupad ang dagdag sahod sa anyo ng isang pambansang minimum wage.

Kaakibat nito, itulak dapat ng mga mamamayan ang gobyerno na kontrolin ang mga presyo ng bilihin at batayang mga serbisyo. Upang magawa ito, kailangan suspendihin ang 12 porsiyentong value-added tax (VAT) at excise tax sa langis.

Ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), “Nanawagan ang Bayan na tanggalin ang excise tax sa langis upang kagyat na maibaba ang presyo nito. Nasa P7.00 kada litro ang excise tax sa gasolina at P2.50 naman sa diesel. Hindi uubra ang anumang panukala na hindi nagtatanggal ng dagdag buwis sa langis.”

“Maaari ding alisin ang VAT sa langis lalo na’t kada taas ng presyo ay lumalaki din ang ipinapataw na 12 porsiyentong VAT. Alinman sa dalawa ang gawin ng gobyerno, kagyat na pagbaba ng presyo ang dapat maging resulta. Hindi na dapat ipagpaliban pa ito.” Dagdag pang mungkahi ni Reyes.

Kagyat din dapat ipatigil ang Train Law, ang salarin sa pagtaas ng presyo at ang walang kapantay na implasyon. Hindi dapat pahintulutan ang Tax Reform for Attracting Better and Higher Quality Opportunities o Trabaho, ikalawang yugto ng Train.

Habang ipinaglalaban ng mga mamamayan ang kagyat na mga solusyon, tinutungo din dapat nito ang pagsusulong sa ganap na pagwawakas ng kahirapan, kawalan ng trabaho at kagutuman. Sa pamamagitan ng pakikibaka, kakamtin ng mga mamamayan ang pambansang industriyalisasyon at ang tunay na repormang agraryo.

Sa pamamagitan ng mga ito, itatayo ang mga batayang industriya; ipapamahagi ang lupa para sa pakinabang ng nakararami; isusulong ang ekonomiyang umaasa sa sarili; patatataasin ang produktibidad sa kanayunan man o sa kalunsuran; titiyakin trabaho para sa lahat ng may gusto at may kakayahan; at tunay na matitiyak ang maayos at matiwasay na buhay ng mga mamamayan.

Sa panahon ng tumitinding krisis, tungkulin ng bawat isa na labanan ang mga kontra-mamamayang mga pakana ng kasalukuyang administrasyon. Hakbang-hakbang dapat ipaglaban ng mga mamamayan ang kanilang mga karapatan at mga kahilingan hanggang sa makamit ang pangmatagalang solusyon sa nararanasang kahirapan at kagutuman ng buong sambayanan.


Featured image: Detalye mula sa “Pagkain” boyD (2015) unang nagamit sa Food First campaign poster.

Sining at pakikiisa sa mga manggagawa

$
0
0

Isinalang ang Endo o kontraktuwalisasyon sa isang masining na pagguhit ng mga artista sa pangunguna ng UGATLahi Artists Collective at Sining Bugkos sa pakikipagtulungan ng Defend Job Philippines, Kilusang Mayo Uno at Kilos Na! Manggagawa ang End ENDO.

Isang eksibit ang End ENDO na alay ng mga alagad ng sining sa manggagawang Pilipino sa gitna ng kanilang laban sa iba’t ibang uri ng kontraktuwalisasyon. Laman man ng balita ang tulad ng mga laban sa NutriAsia, Jollibee at iba pang kompanya, tila hindi pa rin tumatagos sa madla ang lagim ng mga masasamang dulot ng kontraktuwalisasyon.

Lalo na’t nasa uring manggagawa ang karamihan ng mga Pilipino, sinisikap ng koleksiyon ang pagpapakita sa patuloy na pagsasamantala ng mga negosyo sa mga mangaggawang Pilipino sa tulong ng sining biswal.

Sa isang bahagi, matutunghayan ang malalaking mga dibuho na nagsasalarawan ng mga manggagawang Pilipino. Sa pagitan, makikita ang ilang instalasyon na naisama na sa naunang mga eksibit.

Sa ilan pang dingding, nakapaskil ang mga dibuho ng nagsipaglahok na mga artista. Ngunit kapansin-pansin ang iisang sukat ng mga dibuho – sukat ito ng legal size paper, 8×13. Ayon sa kanila, biswal na representasyon ito ng instrumento ng mga negosyo sa panunupil sa mga manggagawa, lalo na nang ibaba na ng mga ito ang mga memo o desisyon ng tanggalan sa trabaho.

Bukod sa mga mga artista, isinama na rin ang mga salaysay at naiguhit na mapa ng mga manggagawa ng NutriAsia – kung saan-saan nangyari ang mga karahasan noong binuwag ang kanilang hanay nang nagpiket sila. Hindi na lang salaysay ito, at lalong hindi na kailangan ng alusyon o anupamang artistikong sangkapan.

Representasyon na ito ng aktuwal na nangyari sa mga manggagawa ng NutriAsia.

Hindi lamang nakulong ang eksibit sa sining bisuwal. Dalawang materyal na audio-video ang nakalagak sa magkabilang sulok ng eksibit. Ang isa, mga boses ng dating mga politiko’t pangulo na paulit-ulit nangangako ng trabaho. Sa kabila naman, ang karahasan ng dispersal sa mga manggagawa. Ibinahagi ng mahigit 50 artista ang kanilang sining para sa pagsuporta sa mga manggagawa. Kasama rito sina Aldy Aguirre, Frances Abrigo, Renz Baluyot, Isobel Francisco, Kay Aranzanso, Fr Jason Dy SJ, Cian Dayrit, Christopher Zamora, Karl Castro, Iggy Rodriguez, Dead Balagtas, Odoi Villalon, Nathalie Dagmang, Demosthenes Campos, at iba pa. Kasama rin ang mga grupong sining na Tambisan sa Sining, UgatLAHI Artist Collective.

Sabi nga, isa sa layunin ng sining ay “Comfort the disturbed, disturb the comfortable.” Maaari nga. Sa panahon ng ligalig, lalo na sa hanay ng mga manggagawa, maaaring mabisang paraan ang sining laluna kung likha ng mga nakikiisa sa kanilang laban para ipaabot na hindi sila nag-iisa sa laban. Kailangang bulabugin ang mga nang-aapi para ibigay ang nararapat sa mga manggagawa.

Pinasinayaan ang eksibit nitong Oktubre 8, at matutunghayan ito sa Atelyer Gallery, Bulwagan ng Dangal, UP Diliman Library. Tatakbo ang eksibit hanggang sa ika-31 ng Oktubre.

Solido sa Sumifru

$
0
0

Marahas na binuwag ng elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang welga ng mga manggagawa ng Sumitomo Fruits (Sumifru) Corp. Philippines sa Compostela Valley noong Oktubre 11. Naganap ang pagbuwag sa welga ilang araw matapos maparalisa ng mga manggagawa, sa pangunguna ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farm (Namasufa), ang operasyon ng pitong planta ng Sumifru sa Compostela Valley. Sa kabila nito, lumalaban pa rin ang mga manggagawa.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Southern Mindanao Region, pinangunahan ng mga puwersa ng AFP at PNP, kasama ang daan-daang “strike breakers” o mga bayarang tagabuwag ng welga, ang pandarahas sa mga manggagawa. Dagdag pa ng KMU-SMR, pinasok ng mga sundalo, pulis at “strike breakers” ang mga piketlayn ng manggagawa at pinagsisira ang mga suplay at kagamitan at sinunog ang kampuhan. Sinaktan din nila ang nakawelgang mga manggagawa at pinuntahan pa sa kanilang kabahayan para takutin. Ang resulta, tinatayang aabot ng 400 manggagawa at lider ng unyon ang nasaktan. Dalawa sa mga nasaktan ang dinala sa pagamutan. Naaresto din si Errol Tan, board member ng unyon. Ninakaw din ng “strike breakers” ang generator set, gamit sa pagluluto, suplay ng pagkain at personal na mga pag-aari ng mga welgista.

Naganap ang pagbuwag isang araw matapos ilabas ng RTC Branch 56 ang pagbasura sa preliminary injunction na inihain ng Sumifru para “pigilan ang mga miyembro ng KMU na responsable sa pagharang ng pagpasok at paglabas sa plantasyon ng saging.”

“Kami’y nagngangalit sa bagsik ng pagbuwag sa welga. Kami’y ordinaryong mga manggagawa na naipanalo ang kaso sa Korte Suprema at ipinagkakamit ang tagumpay sa pamamagitan ng paggigiit ng isang CBA. Laging bukas ang aming linya ng komunikasyon. Handa kaming makipag-usap sa Sumifru. Pero isinara nila ang pinto sa amin at sa halip, ginamit nila ang kanilang pampulitikang lakas para makakuha ng Assumption of Jurisdiction (AJ), na agad ibinigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ni Sec. Silvestre Bello III. Hindi ito patas at hindi makatarungan, “ ani Paul John Dizon, presidente ng Namasufa.

Inilabas ng DOLE noong Oktubre 5 ang kautusang AJ sa pamamagitan ng Department Order No. 40-H-13 na nagsasabing nalulugi ang Sumifru ng may kabuuang PP38-Milyon kada araw at ang anumang paghinto sa operasyon ng kompanya’y nakakaapekto at sumasalungat sa kabutihan at interes ng publiko.

Kinuwestiyon naman ng KMU ang mabilisang paglalabas ng kautusang AJ para ipatigil ang welga ng mga manggagawa. Ani Lito Ustarez, pangalawang tagapangulo para sa panlabas at pampulitikang pakikipag-ugnayan ng KMU, “Napapaisip kami na bakit ang mga pambansang ahensiya ay mabilis magpalabas ng kautusan sa Namasufa para itigil ang welga. Paanong ang Sumifru, isang dayuhang kompanya na nagpapatakbo ng isang plantasyon ng saging, ay mabilis na nakakuha ng kautusang AJ mula sa DOLE? Karaniwang nakareserba ang AJ para sa sa mga industriya na ‘kailangang-kailangan sa pambansang interes.’ Malinaw na wala ito sa kasong ito na kung saan ang AJ ay tumutulong sa isang dayuhang kompanya para labagin ang karapatan ng mga manggagawa na magwelga.”

Karaniwang inilalabas ang kautusang AJ sa mga kaso na imbuwelto ang mahahalagang industriya tulad ng kuryente, yutilidad, pagamutan, at kontrol sa daloy ng trapiko sa himpapawid. Hinala ni Ustarez, may basbas ni Pangulong Duterte, bilang makapangyarihan ang kanyang pamilya sa rehiyon ng Davao, ang mabilisang paglalabas ng kautusang AJ para sa Sumifru.

Ayon naman kay Anakpawis Rep. Ariel Casilao, pinoprotektahan umano ng administrasyong Duterte ang Sumifru. “May hinuha kami kung bakit ang administrasyong Duterte ay pinoprotektahan ang interes ng dayuhang monopolyong kompanya. Itong mga Japanese fruit firm ay nangako ng P12.9-Bilyong pamumuhunan sa pagpapalawig ng operasyon ng mga plantasyon.”

Tila wala ring nakuhang simpatya o pakikiisa sa lokal na gobyerno at DOLE ang mga manggagawa sa nangyaring pagbuwag sa welga. Ayon sa Namasufa, sinisi pa ni Mayor Lema Bolo ang mga welgista sa karahasan habang sinabi naman ni OIC DOLE Regional Directior Jason Balais na wala siyang manggagawa dahil ang pangyayari ay isang police matter.

Kinondena din ng Namasufa ang red-tagging ng AFP sa unyon at ang martial law sa Mindanao. Sa ulat ng fact-finding mission sa Compostela Valley noong Abril 2018, napag-alamang tinatarget at binabansagang komunista ng 66th Infantry Battalion ng Army ang mga manggagawa ng Sumifru at pinipigilang sumapi sa Namasufa o anumang organisasyon na may kaugnayan sa KMU, o makilahok sa mga aktibidad ng unyon. Dagdag pa ng unyon, tumaas ang bilang ng harassment sa mga manggagawa at kasapi ng unyon nang ipatupad ang martial law. Pinaparatangan silang terorista o rebelde at kasapi ng New People’s Army o NPA. May insidente rin noong Agosto 2018 ng tangkang pagpatay kay Vincent Ageas, miyembro ng board of directors ng unyon.

Inilinaw din ng KMU na ang mga welga tulad ng sa Sumifru ay dulot ng mga kontra-manggagawang polisiya, hindi ng pekeng planong destabilisasyon na tinagurian ng militar na “Red October.” Ayon kay Elmer “Bong” Labog, pambansang tagapangulo ng KMU, ang mga welga ay resulta ng papalalang kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng rehimeng Duterte. “Imbes na tugunan ang kahilingan ng mga manggagawa para regularisasyon at dagdag-sahod, naglunsad si Duterte ng panibagong atake sa kilusang unyon at karapatang pantao,” ani Labog.

Inilunsad ang welga noong Oktubre 1 at nilahukan may 900 manggagawa. Isinagawa ang ito sa antas munisipal at sumaklaw sa pitong planta ng Sumifru. Pangunahing dahilan ng pagwewelga ng mga manggagawa ang hindi pagharap ng maneydsment sa anumang negosasyon para sa Collective Bargaining Agreement (CBA). Iginigiit ng Namasufa ang regularisasyon ng mga manggagawa at dagdag-sahod. Ayon kay Dizon, “Arogante at tahasang binalewala ng Sumifru ang karapatan ng mga manggagawa, hindi pinapansin ang aming matagal nang lehitimong mga panawagan para sa regularisasyon at para sa makabuluhang dagdag-sahod.”

“Sa milyun-milyong tubo ng Sumifru, ang hinihiling lang nami’y halos P1-M para sa dagdag-sahod at mga benepisyo para sa amin na mga manggagawa sa plantasyon ng saging,” ani Melodina Gumanoy, kalihim ng unyon. Sa datos ng unyon, kumikita ang Sumifru ng P19-M kada araw mula sa mga operasyon nito sa Compostella Valley. Sa isa pang datos na nakalap, umabot ng P18.53-B ang kabuuang kita ng kompanya noong Marso 2016.

Samantala, inakusahan naman ng KMU-SMR ang Sumifru na lumalabag sa Labor Code. Anila, ang hindi pagharap ng Sumifru sa unyon, bilang kinikilala ng batas na mga empleyado ng kompanya, ay paglabag sa Artikulo 262 ng Labor Code.

Naglabas ang Korte Suprema noong Hunyo 2017 ng desisyon na kumikilalang may umiiral na relasyong employer-employee sa pagitan ng mga manggagawa sa ilalim ng Namasufa at ng Sumifru. Sumakatwid, ang kontraktuwal na mga manggagawa ay dapat ituring na empleyado ng kompanya at hindi lang bilang empleyado ng third-party labor cooperatives.

Ayon sa Namasufa, ang kanilang unyon ang certified sole and exclusive bargaining representative ng mga manggagawa sa Sumifru. Sa katunayan, nakapagpasa na sila ng CBA proposal sa Sumifru noong Agosto 13 pero walang aksiyong ginawa ang maneydsment at binalewala lang ang kanilang ipinasa. “Nilalabag nila ang aming karapatan sa kaseguruhan sa trabaho sa pamamagitan ng hindi pagreregularisa sa amin at ang pagtanggi sa pakikipag-usap sa aming unyon sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema noong 2017,” ani Dizon.

Ani Dizon, “Nilabag ng Sumifru ang aming karapatan sa asosasyon sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa mga militar at sa pagharas sa mga miyembro ng unyon na lumalaban sa kanilang mga unfair labor practice.”

Ipagpapatuloy ng umano ng unyon ang paggigiit ng kanilang mga karapatan, pero hinihingi din nila ang suporta ng publiko laban sa isang gahaman na dayuhang kompanya. Inihahanda nila ang paghahain ng kaso laban sa pag-abuso sa kanilang karapatan at magsasampa ng reklamo sa International Labour Organization.

Isang Japanese multinational company (JMNC) ang Sumifru Corp. Philippines. Lumalahok ito sa sourcing, produksiyon, pag-aangkat at pagbebenta ng iba’t ibang prutas, pangunahin ng pang-eksport na mga saging, pinya at papaya. Pinapatakbo ng kompanya ang kanilang operasyon sa mahigit sa 12,000 ektarya sa Mindanao. Sa Compostela Valley, mayroong siyam na planta sa 2,200 ektarya na may kakayahang maglabas ng 19,000 kahon. Ayon sa kompanya, mahigit-kumulang 4,700 ang kanilang empleyado at 3,000 nito’y mula sa mga nag-aalaga ng pananim habang ang 1,700 ay nasa planta.

Protesta at kawalan ng trabaho

$
0
0

Inuulit lang niya ang matagal nang sinasabi ng mga nasa gobyerno, lalo na ng mga nasa pulisya at militar, hinggil sa lumalabang mga manggagawa.

“Paano nila masasabing kontra-manggagawa kami (mga pulis)? Baka sila ang kontra-manggagawa,” sabi ni Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde, sa isang press conference sa Kampo Crame noong Abril 29.

Sabi ni Albayalde, mga miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang dahilan ng kakulangan ng trabaho sa bansa. “Bakit po ba umaalis ang mga investors sa atin? Papasukin ng KMU, i-i-instigate ’yung unyon, at magrarali sila ’Yung investor mawawalan ng gana, uuwi sa kanila,” sabi ng heneral.

Nagreresulta umano ang mga protesta ng KMU sa pagkawala ng libu-libong trabaho.

Reaksiyon ang naturang press conference ni Albayalde sa inilabas ng KMU na “Anti-Worker Matrix” noong nakaraang Sabado, Abril 27. Dito, makikita si Pangulong Duterte bilang sentro ng paglala ng kalagayan sa paggawa sa bansa. Kasama rin sa matrix ang mga miyembro ng gabinete tulad ni Budget Sec. Benjamin Diokno, ang tagapagsalita ng pangulo na si Salvador Panelo, ang mga kandidato ng administrasyon sa pagkasenador na sina Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher “Bong” Go, at iba pa.

Kasama rin sa naturang matrix ang mga opisyal ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP). Pati si Albayalde mismo.

Kober ng Mayo 3 isyu ng Pinoy Weekly.

Kober ng Mayo 3 isyu ng Pinoy Weekly.

Dati nang paninira

Sa totoo lang, inuulit lang ni Albayalde ang matagal nang sinasabi ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na ng mga opisyal ng PNP at AFP: na kung walang protesta ang organisadong sektor ng mga manggagawa, lalo na ang mga militante, umaasenso na sana ang bansa.

Sa esensiya, isinisisi nila sa kolektibong pagkilos at paggiit ng karapatan ng mga manggagawa ang kawalan ng kaunlaran sa bansa.

Pero makikita mismo sa datos ng gobyerno na sa kabila ng mga polisiyang neoliberal ng administrasyong Duterte, tumitindi ang kawalan ng trabaho o unemployment sa bansa.

“Makikita mismo ito sa datos ng gobyerno. Makikita sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagsak ang bilang ng nakaempleyong Pilipino mula 41.8 milyon noong Enero 2018 tungong 41.4 milyon noong Enero 2019,” sabi ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Ito umano ang ikalimang taon lang na bumaba ang bilang ng nakaempleyong manggagawa sa Pilipinas matapos ang diktadurang Marcos. Ayon sa Ibon Foundation, bumaba ang employment ng bansa nang 529,000 noong 1997. Noong 2005, bumaba ito nang 270,000. Noong 2014, bumaba nang 1.5 milyon. Noong 2017, bumaba nang 13 milyon, at nitong 2019, bumaba nang 387,000.

Sa kabila umano ito ng di-napuputol na pag-akit ng iba’t ibang administrasyon ng dayuhang mamumuhunan para magnegosyo sa Pilipinas. Sa ilalim ng rehimeng Duterte, kung kailan naganap ang dalawang pagbaba ng empleyo, naging masugid at agresibo pa ang gobyerno sa pag-akit ng mga mamumuhunang Tsino.

Ipinapakita ng datos na ito, ayon sa KMU, na hindi nagreresulta sa pagkakaroon ng dagdag na trabaho sa bansa ang dayuhang pamumuhunan. Hindi rin dahilan ng pagbaba ng empleyo sa bansa ang sama-samang mga pagkilos ng KMU.

Ang salarin, ayon sa Ibon Foundation, ay ang kawalan ng kaunlaran sa agrikultura. Noong 2018, tumala lang ng 0.8 porsiyentong pag-unlad ang sektor ng agrikultura sa bansa, ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon. Samantala, kalakhan ng foreign investments, lalo na sa panahon ng Build, Build, Build na programa ni Duterte, ay nakatuon sa imprastraktura sa mayayaman o mauunlad nang mga sentrong bayan at lungsod.

At kalakhan ng mga imprastrakturang ito ay nakatuon din para sa mas madulas na daloy ng dayuhang negosyo sa bansa.

Mga militar, nakatanaw sa mga nagpoprotesta, Mayo 1, 2019. <b>KR Guda</b>

Mga militar, nakatanaw sa mga nagpoprotesta, Mayo 1, 2019. KR Guda

Walang interes lutasin

“Mukhang halos walang interes ang administrasyong ito na baligtarin ang trend (sa agrikultura),” sabi ni Africa. “Halimbawa, Ang P49.3-Bilyong badyet sa departamento ng agrikultura na panukala ng Kongreso ay mas maliit nang P1.4-B sa P50.7-B badyet noong 2018.”

Sa kabilang banda, matagal nang ipinapanukala ng KMU ang paglilikha ng sapat na trabaho sa mga mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng malakas na suporta ng gobyerno sa agrikultura, gayundin sa pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon.

“Nagresulta ang matinding paggiging palaasa natin sa dayuhang pamumuhunan sa pandarambong ng ating mga rekurso at pagsasamantala ng ating lakas-paggawa,” sabi pa ni Labog. “Ang gusto ng mga manggagawa ay paglikha ng trabaho na tutugon sa pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino sa halip na malalaking dayuhang negosyo.”

Hindi lang ang mga militante at KMU ang nagsasabi nito. Maging ang mga tradisyunal o burges na ekonomista, halimbawa, ng World Bank, ay may pag-amin na na sa pamamagitan lang ng masusing distribusyon ng lupaing agrikultural at pagtatatag ng sariling batayang mga industriya malulutas ang kahirapan at kawalan ng trabaho sa iba’t ibang bansa.

“Iniluwal ng 39 taon ng militanteng pakikiaka ng KMU ang di-mabilang na mga tagumpay sa dagdag sahod, regularisasyon at pagtataguyod ng demokratikong mga karapatan (ng mga manggagawa at mamamayan),” sabi pa ni Labog.

Kampeon sa abuso

$
0
0

Tanging ang pulang panyong panakip sa mukha ng mga manggagawa ang maaninag sa makapal na usok na pumapalibot sa loob ng pabrika. Ang usok, nagmumula sa nilulutong kemikal, para gumawa ng sabong panlaba, shampoo, sabong panghugas sa kusina, o toothpaste.

PW issue 17-22

PW issue 17-22

Ito, at marami pang di-ligtas na kalagayan, ang pang-araw-araw na buhay ng mahigit 600 manggagawa sa loob ng pabrika ng Peerless Products Manufacturing Corp. o Pepmaco, sa Calamba, Laguna.

“Sa baga ang kadalasang sakit namin, kaso walang proper na mask,” kuwento ni Art (di tunay na ngalan), 36, manggagawa sa Pepmaco sa Laguna. “Panyo lang ang gamit namin, o bumibili kami ng face mask sa labas.” Walang exhaust, at kakaunti lang ang blower, kuwento ng mga manggagawa. “Halos lahat kami, laging pawisan.”

Pero ang pinakamalupit, ang delikadong mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng sabon, shampoo o toothpaste. “Kapag kumapit sa balat mo, sunog ka talaga,” sabi pa ni Art.

Isa sa pinakabulnerable ang mga manggagawang naghuhulma ng sabon. Karamihan sa kanila, kababaihan. “Hindi sila nagpapagamit ng gloves sa bar. Kasi made-deform daw ang bar. Magmamarka ang gloves. Kaya kamay ang inihahawak sa mainit na lang na sabon.

“Ang mahalaga sa kanila, yung produkto. Hindi yung tao.”

Delikado

Tinatayang 40 porsiyento hanggang kalahati ng mga manggagawa ng Pepmaco sa Calamba ay kababaihan. Isandaang porsiyento, o lahat, naman ay kontraktuwal.

Isang Taiwanese-Pilipinong negosyanteng nagngangalang Simeon Tiu ang nagmamay-ari sa Pepmaco. Kabilang sa mga produkto ng naturang kompanya ang sikat na mga sabong panlaba (pulbo at bareta) na Champion at Calla, gayundin ang shampoo na Hana. Kamakailan, nakuha rin ng Pepmaco ang prangkisa sa paggawa ng Systema na toothpaste. Nagasuplay din ito ng surfactants para sa ibang produkto.

Sa Valenzuela City ang opisyal na address ng naturang kompanya. Pero ayon sa mga manggagawa, tinatayang 150 katao lang ang nagtatrabaho doon. Kalakhan ng mga produkto ng Pepmaco, ginagawa sa pabrika nito sa Calamba. Umaabot sa P373 hanggang P420 ang arawang sahod ng mga manggagawa rito.

Bukod sa delikadong kemikal at usok mula rito na nagdulot na ng maraming aksidente kapwa sa pabrika sa Valenzuela at Calamba, pinoproblema rin ng mga manggagawa ang halos kayod kabayong pagpapatrabaho sa kanila ng mga superbisor.

“Sa umaga, 15 minuto (ang break), 15 minuto sa lunch break. Binabawas pa yun sa overtime namin. Hindi pumapatak ng isang oras ang break time sa loob ng isang araw,” kuwento ni Ariel, 24, di tunay na ngalan, manggagawa rin ng Pepmaco sa Calamba.

Sa gabi, aniya, alas-nuwebe ng gabi hanggang alas-dos ng umaga, nakadepende pa ang break sa kung kailan matatapos ang paghalo ng kemikal para maging sabon. “Uubusin muna ang halo bago magbreak,” ani Ariel.

Kayod-kabayo ang mga manggagawa hanggang sa packing. “Tao rin ang gumagawa nun (packing),” ani Ariel. “Ambilis pa nun.”

Sa loob ng isang shift na alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng gabi, kailangan nilang makatapos ng packing ng 45 pallets, na 80 boxes kada pallet. Kada kahon, 36 pirasong sabon. “Minsan, gusto pa nilang sumobra dun,” ani Art.

Marami ring naaaksidente sa packing. “Sa Valenzuela, may naputulan dati ng kamay. Dito sa amin (Calamba), marami ang naputulan ng daliri, nagulungan ng jack pallet.” Tuwing nangyayari ito, walang rehistradong nars na nakaabang sa loob ng pabrika. “Kung sino lang yung HR (human resources), sila yung tutulong sa naaksidente o nagkasakit,” sabi pa ni Ariel.

“Halimbawa, kung may sakit ka sa tiyan, yung sakit sa ulo ang ibibigay sa’yo. Ang sasabihin, ‘Oh, puwede na ‘yan,’” kuwento pa ni Art.

Inirereklamo rin nila pati ang kainan sa loob ng pabrika. Pati sa pagkain, ani Art, hindi puwede magreklamo. “Kapag nagreklamo kami run, kami pa ang matatanggal. Kapag may ipis, papalitan lang ang pagkain mo pero hindi papalitan yung buong pagkaing nakahapag.”

“Manok ang pagkain araw-araw. Sa umaga, puro processed food. Nasisira ang tiyan namin,” sabi pa ni Ariel.

Inspeksiyon

Hulyo 2018 nang maglakas-loob ang mga manggagawa na ireklamo ang kompanya sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Pinangunahan ang petisyong ito ng Pepmaco Workers’ Union, ang pederasyong kinapapalooban nito na National Federation of Labor Unions, at sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno. Ipinasa ng pambansang tanggapan ng DOLE sa rehiyunal na tanggapan nito sa Region IV-A.

Sa naturang inspeksiyon, tinangka pa ng manedsment na itago ang tunay na kalagayan sa loob ng pabrika. “Binigyan kami ng (disposable) face masks,” sabi ni Art. Inisyuhan din sila ng mumurahing bota – na pagbabayaran din nila sa pamamagitan ng kaltas-sahod.

Sa isang kopya ng notice of results ng inspeksiyon na nakuha ng unyon, inamin ng DOLE IV-A na maraming occupational health and safety standards ang nilabag ng Pepmaco. Kabilang dito ang sumusunod: (1) kawalang akses sa fire extinguishers sa lugar ng produksiyon; (2) marumi at halos walang ventilation sa lugar ng produksiyon;

(3) Di maayos na paghawak ng mga kemikal at iba pang kagamitan at materyal sa produksiyon; (4) walang floor markings para sa mga lakaran at daanan ng forklifts; (5) walang safety signages sa lugar ng produksiyon; (6) walang doktor na nakaabang at walang safety personnel na magtataguyod ng occupational safety standards; at marami pang iba.

Pero sa kabila nito, hindi naglabas ng paborableng desisyon ang DOLE IV-A.

Sa harap ng gate ng pabrika ng Pepmaco noong Hunyo 24. <b>Altermidya</b>

Sa harap ng gate ng pabrika ng Pepmaco noong Hunyo 24. Altermidya

Makatwiran

Noong Disyembre 2018, nagpaalam sa kanilang mga bisor ang 50 manggagawa na liliban sa trabaho para magdiwang ng Pasko. Istandard na praktika na ito sa kanila: kapag pinayagan ng superbisor, aprubado na ang leave.

Pero pagsapit ng Enero, sinabihan ang 50 manggagawa na tanggal na sila sa trabaho. “Marami sa kanila, matatagal na. May 12, (o) 13 taon na – basta limang taon pataas. Wala silang nakuhang benepisyo,” sabi ni Ariel.

Pagsapit ng Marso 3, may anim na muling tinanggal, kasama si Art. Mga miyembro ng unyon ang mga tinanggal. Nitong Hunyo 3, nagtanggalan muli. Kasama rito ang pangulo at pangalawang pangulo ng unyon. Hunyo 6, nagsumite na sila ng Notice of Strike. Nitong Hunyo 18, may dalawa muling tinanggal.

Madaling araw ng Hunyo 24, itinayo na ng mga manggagawa ng Pepmaco ang piketlayn, at sinimulan ang welga. Isang piketlayn, tinayo nila sa mismong main gate ng pabrika. Hinarangan ng mga guwardiya ang daanan papunta sa piketlayn para hindi makarating sa mga manggagawa ang mga tagasuporta nitong nagdadala ng pagkain. Ang sinasabi ng manedsment, wala silang karapatang magwelga dahil mga empleyado sila ng mga ahensiya, at hindi direktang empleyado ng Pepmaco — sa kabila ng pagtrabaho nila sa kompanya ng maraming taon, at sa kabila ng pagiging “essential and desirable” ang kanilang trabaho sa loob ng pabrika, sang-ayon sa rekisito ng batas para maging regular na mga manggagawa.

Nagpatuloy na nakatirik ang welga. “Lalaban kami para sa aming mga karapatan,” sabi ni Ariel. Kabilang sa mga panawagan nila: Itigil ang tanggalan, ibalik ang mga tinanggal. Siguruhin ang kaligtasan ng mga manggagawa sa loob ng pabrika. Gawing regular ang mga kontraktuwal. Makatwiran ang mga hiling.


(Matapos lumabas ang artikulong ito sa PW print issue noong Hunyo 28, 2019, ilang beses na dinahas ang piketlayn ng mga manggagawa ng Pepmaco. Nananawagan ngayon ang mga nakawelgang manggagawa ng suporta sa iba’t ibang sektor ng bansa. -Ed.)

Kilusang welga, sumusulong

$
0
0

Ramdam sa hanay ng mga mang- gagawa ang ligalig. Sa nagdaang mga buwan ng taong 2019, may paglaganap ang paglulunsad ng mga welga at protesta ng mga manggagawa. Halos magkakasunod na pumutok ang mga welga mula Hunyo hanggang sa maagang bahagi ngayong Agosto.

Paglaban sa kontraktuwalisasyon at labor-only contracting, mababang pasahod, tanggalan sa trabaho, union busting at iba pang unfair labor practices ng mga kapitalista ang naging pangunahing batayan ng mga nasabing welga.

‘Welga kami!’

Isa sa naunang naglunsad ng welga ang mga manggagawa ng Zagu Foods Corporation, na ipinutok noong madaling araw ng Hunyo 6 sa Pasig City.

Pinangunahan ng Organization of Zagu Workers-Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (Organiza-Super) ang may 250 manggagawa upang labanan ang diumano’y ilegal na labor-only contracting ng kompanya at unfair labor practices nito. Walang inabot ang negosasyon – na nagsimula pa ng Enero ng kasalukuyang taon – sa pagitan ng mga manggagawa at manedsment kung kaya’t nagpasya ang unyon upang ilunsad ang nasabing welga.

‘Di maayos na kalagayan sa paggawa at tanggalan sa trabaho ang naging batayan ng Pepmaco Workers’ Union-National Federation of Labor Unions (Naflu)-Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pagwewelga na nagsimula noong Hunyo 24. Ayon sa unyon, sa nakalipas na 15 taon, nananatiling P373 ang kanilang sahod at walang natatanggap na benepisyo sa kabila ng pagtatrabaho ng 12 oras kada araw ng Peerless Producers Manufacturing Corp. (Pepmaco) sa Calamba, Laguna. Bukod pa rito ang pagtatanggal ng may 64 empleyado, kasama ang mga lider ng unyon.

Isang buwan matapos ng welga sa Pepmaco, sinundan ito ng welga ng mga manggagawa sa planta sa Laguna ng NutriAsia. Nagbarikada at naparalisa ng may 400 manggagawa, sa pangunguna ng Kilusan ng Abanteng Sektor ng Anakpawis NutriAsia (Kapisana)- Olalia, ang operasyon ng planta noong umaga Hulyo 6. Iginigiit ng mga welgista ang pagpapatupad ng desisyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region IV-A na iregularisa ang mga manggagawa.

Magkasabay naman na ipinutok noong Agosto 6 ang welga ng kontraktuwal na mga manggagawa sa Monde Nissin sa Laguna at Super 8 sa Pasig City.

Nagbarikada ang mga unyonista sa ilalim ng Monde Nissin Labor Association upang labanan ang patuloy na kontraktuwalisasyong ipinapatupad ng Monde Nissin at ang hindi pagkilala ng manedsment nito sa kanilang unyon.

Pagtatanggal ng 200 manggagawa at panggigipit sa unyon naman ang dahilan ng Unyon ng mga Manggagawa sa Super 8 upang ilunsad ang kanilang welga. Ayon sa Defend Job Philippines, isang network na tumutulong sa mga manggagawa sa Kamaynilaan, kahina-hinala ang biglaang pagtatanggal ng Matapat Service Cooperative, ahensiya ng Super 8, sa mga manggagawa at mga unyonista.

Naging aktibo nitong nagdaang mga buwan ang mga manggagawa sa paglulunsad ng mga pagkilos sa kanilang pinagtatrabahuhan upang ipanawagan ang kanilang regularisasyon.

Napipinto rin ang welga sa iba pang bahagi ng bansa. Naghain noong Hulyo 25 ng notice of strike ang The Philippine Agricultural, Commercial and Industrial Workers Union-Trade Union of Congress of the Philippines (Paciwu-TUCP). Ayon sa Paciwu-TUCP, nadedelay ang paglalabas ng retirement pay, separation pay, mga benepisyo at union dues ng mga unyonista.

Saklaw ng unyon ang mahigit 6,000 manggagawa ng Vallacar Transit Inc. (VTI), na subsidyaryo ng Yanson Group of Bus Companies, pinakamalaking kompanya ng bus sa buong bansa.

Samantala, naglunsad ng strike vote ang mga kasapi ng Silliman University Faculty Association (SUFA) noong Hulyo 2. Mayorya ng mga kasapi ay bumoto pabor sa paglulunsad ng welga laban sa manedsment ng Siliman University. Bunsod ito ng di pagsalubong ng manedsment sa Collective Bargaining Agreement (CBA) na nakasentro sa karagdagang sahod ng mga empleyado.

Nagkamit naman ng tagumpay ang higit dalawang taong welga ng mga manggagawa ng Sumifru sa Compostela Valley laban sa kontraktwalisasyon, union busting, militarisayson at martial law sa Mindanao matapos maglabas ng reinstatement order noong Hulyo 22 ang National Labor Relations Commission (NLRC).

Gayunpaman, nagmama- tigas pa rin ang management ng Sumifru na ipatupad ang utos ng NLRC na ibalik sa trabaho ang ilegal na tinanggal na mga manggagawa. Nitong Agosto 17, minarkahan ng isang programa sa Commission on Human Rights (CHR) ang pagbalik ng mga manggagawa ng Sumifru sa Compostela Valley para doon ituloy ang kanilang laban matapos ang isa’t kalahating taong kampuhan nila dito sa Kamaynilaan.

Tampok din ang naging mga tagumpay ng ilang welga ng manggagawa sa nagdaang mga buwan. Hindi pa natatapos ang araw mula nang ilunsad ang welga, napagtagumpayan ng mga manggagawa ng Monde Nissin ang kanilang kahilingan. Nakipagkasundo ang manedsment sa unyon, kasama ang DOLE at lokalna gobyerno ng Sta. Rosa, na aaksyunan ng nauna ang usapin ng kontraktwalisasyon.

(Bago ilathala ang isyung ito, pumasok ang balita na muling nagtanggalan sa mga manggagawa sa Monde Nissin – kung kaya balak ipagpatuloy ng huli ang welga. -Ed.)

Nakabalik naman sa trabaho noong Hulyo 26, alinsunod sa utos ng NLRC, ang mga manggagawa ng Yin Gang Motorcycles, pinakamalaking tagamanupaktura ng mga motor ng RUSI Philippines.

Mga manggagawa ng Pepmaco na nakawelga. <b>Kontribusyon</b>

Mga manggagawa ng Pepmaco na nakawelga. Kontribusyon

Magwelga’y di biro

Naging normal nang kakabit ng mga welga ang pandarahas ng manedsment at ng mismong Estado. Marahas na pagbuwag sa mga piketlayn, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at pag-aresto at paggamit ng mga batas ang karaniwang ginagamit laban sa mga manggagawa.

Pero sa ilalim ng rehimeng Duterte, tila nagkakaroon ng mas mabangis na hugis ang panunupil sa mga manggagawa.

Naging tampok kamakailan ang marahas na pagbuwag sa welga sa Pepmaco at NutriAsia na kapwa nasa Light Industry and Science Park sa Laguna, isa sa mga kilalang enklabo na mapaniil sa mga kolektibong aksiyon ng mga manggagawa.

Nitong Agosto 19 ng umaga, biglang ilegal na hinuli ang di-bababa sa 20 nakawelgang manggagawa ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang piketlayn malapit sa pabrika ng Pempaco sa Calamba.

Bago nito, maraming beses nang nakaramdam ng pandarahas ang mga nakawelgang manggagawa ng Pepmaco. Noong madaling araw ng Hunyo 28, patraydor na binuwag ng pinagsanib na puwersa ng PNP, mga guwardiya ng kompanya at bayarang mga maton ang welga habang natutulog ng mga manggagawa ng Pepmaco.

Nagkaroon muli ng dispersal sa welga nitong Agosto 8. Hampas ng batuta at truncheon at pambobomba ng tubig ang inabot ng mga unyonista na nagdulot sa kanila ng mga sugat, pasa at putok na mga labi.

Samantala, ilang oras mapahinto ng mga manggagawa ng NutriAsia, gumamit ng buldozer ang dispersal team ng manedsment upang dahasin ang welga. Matapos ang pandarahas, inaresto ang 17 unyonista kasama ang kanilang pangulo at iba pang opisyales at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalaya ang mga inarestong manggagawa ng nasabing planta ng NutriAsia.

Hindi na bago ang matinding pandarahas ng manedsment at ng Estado sa mga manggagawa. Nito lang nagdaang mga taon, tumampok ang mga kaso ng marahas na pagbuwag (at patuloy na pagbabanta) sa mga manggagawa ng Sumifru at ang welga ng mga manggagawa sa planta ng NutriAsia sa Bulacan.

Ginagamit din ng mga kapitalista at estado ang mga batas, tulad ng Assumption of Jurisdiction, Temporary Restraining Order (TRO) at marami pang iba. Isang halimbawa ay ang inilabas na NLRC na TRO laban sa nakawelgang manggagawa ng Zagu noong Hunyo 26. Tampok din ang mga kaso ng pag-ikot sa batas ng mga kapitalista, tulad ng mga kaso sa Sumifru at NutriAsia sa Laguna, upang hindi kilalanin at huwag ipatupad ang kautusan ng DOLE na pabor sa mga manggagawa.

Mas malala pang kaso ng pandarahas at panggigipit sa manggagawa ang paggamit ng istilong tokhang sa kilusang paggawa. Sa pinakahuling Global Rights Index 2019 ng International Trade Union Confederation (ITUC), mayroon diumanong 43 unyonistang pinaslang – 18 sa kasalukuyang taon – sa tatlong taon ng panunungkulan ni Pangulong Duterte. Kung kaya’t sa ikatlong magkakasunod na taon, isinama ng ITUC ang Pilipinas sa mga bansang pinakamasahol para sa mga manggagawa.

Sa kabila ng mga ito, patuloy ang pagpupunyagi ng mga manggagawa para ipaglaban at igiit ang kanilang mga karapatan at kahilingan. Hanggang ngayon, nakatayo pa rin ang mga piketlayn ng manggagawa sa Zagu, Pepmaco, NutriAsia at Super 8 mula nang inilunsad nila ang welga.

Suporta sa laban

Malaking tulong din para palakasin ang loob at itaas ang palabang diwa ng mga nakawelgang manggagawa ang pagdagsa ng suporta mula sa iba’t ibang sektor. Tampok ang maagap na pagsanib ng mga kabataan at estudyante mula sa Maynila at mga karatig lugar at maging ang mga galing sa ibang bansa upang tumulong sa pagkokonsolida sa mga manggagawa hanggang sa pagharap sa mga pagbuwag ng kapitalista at puwersa ng estado sa mga piketlayn.

Maging ang mga manggagawa sa ibang pagawaan ay nagpapakita ng kanilang suporta sa kapwa manggagawa nilang nakawelga. Halimbawa nito ang pagtungo ng mga manggagawa sa business process outsourcing (BPO), sa pangununa ng BPO Employees Network (BIEN) at AUX, sa piketlayn ng Pepmaco; pagbisita ng at pakikisalamuha ng mga manggagawa ng Pepmaco sa welga sa Super 8 at ang pagtulong nito mga “kapitbahay” na manggagawa sa NutriAsia.

Sa larangan ng lehislatura naman, maagap ang pagkondena at pagsasampa ng congressional inquiry ng blokeng Makabayan laban sa mararahas na pagbuwag sa mga welga. Bukod pa dito, naghain muli ang Makabayan ng panukalang batas na tinaguriang “Pro-worker and Stronger Security of Tenure Bill” na anila’y may layuning wakasan ang endo at ang “labor-only contracting” na kalakaran sa pag-eempleyo ng mga kapitalista.

Naging malawak din ang pagsuporta at pagtatanggol sa social media sa mga naging welga ng manggagawa. Aktibo ang mga Facebook page ng iba’t ibang organisasyon at mga indibidwal para ipakita ang kanilang pagsuporta at magpaliwanag sa pagiging makatwiran ng mga nasabing welga.

Naging viral kamakailan ang pagsagot ni Pasig Mayor Vico Sotto, gamit ang kanyang social media page, sa komento ng isang eskirol ng manedsment ng Zagu na humahamak sa mga nakawelgang manggagawa. Ipinapakita ni Sotto sa mga naging aksiyon nito ang pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa na maglunsad ng welga.

Humarap din si Sotto sa diyalogo sa mga nakawelgang manggagawa at nagpahayag ng kagustuhang bumisita sa mga piketlayn sa Zagu at Super 8 na saklaw ng kanyang lungsod na pinamumunuan.

Muling pagtirik ng welga ng mga manggagawa ng Monde Nissin. <b>Bon Lang/AlterMidya</b>

Muling pagtirik ng welga ng mga manggagawa ng Monde Nissin. AlterMidya

Higit pang susulong

Inaasahang lalo pang titindi ang ligalig ng mga manggagawa hangga’t nananatiling talamak nang kontraktuwalisasyon, barat na pasahod at paglabag sa mga karapatang pang manggagawa at pantao.

Ayon sa pambansang sentrong unyon na KMU, lalo pang lumala ang kontraktuwalisasyon sa ilalim ni Duterte. Sa kanilang datos, lumalabas na di bababa sa 60 porsiyento o 25 milyon ang kontraktuwal sa mahigit 43 milyong may trabaho noong 2018. Lumalabas din na isa sa bawat tatlong (720,000) manggagawa sa pampublikong sektor at tatlo sa limang manggagawa sa pribadong sektor ay ineempleyo sa iba’t ibang iskema ng kontraktuwalisasyon.

Lalo namang ikinagalit ng mga manggagawa ang hindi pagpirma ni Duterte sa Security of Tenure Bill na ipinasa ng Senado para umano isaalang-alang ang seguridad ng mga negosyo sa bansa. Para sa mga manggagawa, pagpapatunay diumano ito na walang balak si Duterte na tuparin ang kanyang pangako na wakasan ang kontraktuwalisasyon. Bagkus, plano pa niya itong palawigin at ibayong ilegalisa.

Kaliwa’t kanan din ang mga inululunsad na mga protesta sa iba’t ibang pagawaan sa buong bansa. Sa Wyeth Philippines, tuluy-tuloy ang pagkilos ng mga manggagawa para ipagtagumpay ang makabuluhang collective bargaining negotiations sa harap ng mga maniobra ng management para ipatupad ang malawakang tanggalan, kontraktuwalisayson at pagpapahina ng union.

Sa Nexperia, naglunsad din ng mga lunchbreak protest ang mga manggagawa para tutulan ang panunupil at panggigipit sa mga kasapi ng union na labag sa mga nilalaman ng kanilang CBA.

Matapos ang matagumpay na United Workers’ SONA (State of the Nation Address), muling nagtipon ang iba’t ibang sentrong unyon para itakda ang malaking martsa ng mga manggagawa noong Agosto 26 laban sa kontraktuwalisasyon, para sa pambansang minimum na sahod at para sa pagtaguyod sa karapatan sa paggawa at pantao.

Banta naman ng mga manggagawa na lalo pang susulong ang pagkakaisa’t paglaban habang pinatitindi ni Duterte ang mga atake sa kanilang sahod, trabaho at karapatan. Sa harap ng papatinding ligalig sa hanay ng mga manggagawa, unti-unting naibabalik ang welga bilang pangunahing sandata ng mga manggagawa laban sa pang-aapi at pagsasamantala.

Tigil-pasada laban sa tuluyang pagpapatigil-pasada ng gobyerno sa mga jeepney

$
0
0

Matagumpay na inilunsad ng iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon ang pambansang transport strike o tigil-pasada noong Setyembre 30. Paglaban sa planong phase-out ng public utility vehicles (PUV) tulad ng jeepney, sasakyang UV Express at traysikel; at pagtaas ng presyo ng langis. Pinangunahan ang naturang tigil-pasada ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), Stop and GO at No To Jeepney Phaseout Coalition.

Ayon sa Piston, umabot diumano sa 90 hanggang 100 porsiyento ang tinatayang naparalisa ang pampublikong transportasyon sa tinukoy na choke points o pinaglunsaran ng tigil-pasada sa buong bansa. Dagdag pa ng grupo, tinatayang aabot ng 95-100 porsiyento paralisasyon sa mga lugar sa Kalakhang Maynila tulad ng Monumento, Sangandaan, Alabang, Taguig, Navotas, Cubao, Marikina, Pasig, Commonwealth, Zapote, Las Pinas, at Baclaran.

Naidaos ng mga grupo mula sa sektor-transportasyon ang tigil-pasada sa kabila ng pagbabanta ng Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) na tatanggalan ng prangkisa ang mga lalahok; paglalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa tigil-pasada at iba pang porma ng pananakot ng gobyerno.

Infographic: Priscilla Pamintuan

Infographic: Priscilla Pamintuan, mula sa tala ng Piston

Napipintong phase-out

Tutol ang Piston at No To Jeepney Phaseout Coalition sa planong phase-out ng gobyerno sa mga PUV.

Ayon sa kanila, kung matutuloy ang plano, aalisin ng gobyerno mula sa mga mananakay ang pangunahing moda transportasyon na mura at maalwan. Bukod pa, mawawalan diumano ang milyun-milyong drayber, operator at iba pang nakasalalay ang hanapbuhay sa biyahe ng mga PUV.

Napipinto ang pagpawi ng gobyerno sa mga jeep. Batay sa plano nitong modernisasyon ng pampublikong transportasyon, uumpisahan na ngayong 2020 ang phaseout sa mga PUV na 15 taon-pataas nang tumatakbo sa kalsada na hindi na kayang maging compliant sa mga istandard na itinatakda ng gobyerno. Sa ilalim ng planong ito, aabot sa tinatayang 240,000 jeep at 80,000 sasakyang UV Express ang apektado.

Papalitan ang mga jeep ng mga sasakyang Euro 4, de-kuryente, solar, o hybrid. Tinatayang aabot ng P1.6-P1.8 Milyon ang halaga ng mga Class 1 and 2 ng nasabing tipo ng mga sasakyan. Ipapautang ito ng gobyerno sa mga drayber at opereytor na dapat mabayaran sa loob ng pitong taon na may anim na porsiyentong interes. Ngunit sa antas ng arawang kita, hindi ito kakayanin ng mga drayber at opereytor. Sa pag-aaral ng NPR.org, tinatayang P500 hanggang P600 lang ang kinikita ng mga drayber at opereytor kada araw o P15,000 hanggang P18,000 kada buwan.

“Walang tsuper ang nais na kakarag-karag ang kanyang jeep. Walang tsuper ang gustong bumubuga ng maitim na usok ang kanyang sasakyan.  Pero sa kasalukyang plano ng “modernisasyon” ng DoTr, magiging halos imposible para sa maliliit na tsuper/operator na mabayaran ang mga bagong units,” ani Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan.

Modernisasyon para kanino?

Sa mga pahayag ng Piston at iba pang grupong tumututol sa phase-out ng mga PUV, hindi sila tutol sa modernisasyon ng sistema ng transportasyon. Ayon sa kanila, tinutulan nila ang modernisasyon na ang iilan lang ang makikinabang habang ang mga drayber, opereytor at komyuter ay nananatiling mahirap.

“Hangad natin ang totoong modernisasyon ng transportasyon. Pero dapat ito ay sumasaalang-alang sa kabuhayan at kapakanan ng mga tsuper at maliliit na operators. Hindi ito dapat magresulta sa pagkawala ng kabuhayan o pagkabaon sa utang,” ani Reyes.

Ayon kay Mody Floranda, pambansang tagapangulo ng Piston, ang pagsasapribado diumano ng mga PUV ay magbibigay ng malaking tubo para sa mga monopolyong nagmamay-ari ng pampublikong sistema ng transportasyon sa bansa. Kasama sa planong phase-out ang pag alinsunod sa bagong Omnibus Franchising Guidelines na nagtatanggal ng single unit at individual operator na prangkisa tungo sa corporate o consolidated na parangkisa.

Ayon naman sa Makô, isang kolektiba ng mga artista, papabor diumano ang planong phase-out sa iilang kapitalista at mga dambuhala’t dayuhang korporasyon na lumilikha ng sasakyan tulad ng Hyundai, Toyota, Mitsubishi, at Chrysler.

Sa talumpati ng drayber na si Cerilo Latoreno, dapat diumanong proteksyunan (laban sa monopolyo ng malalaking kompanya) ni Pangulong Duterte ang mga mga lokal na gumagagawa ng jeep – mga latero, taga-pintura at “body builder”.

Mga alternatibo

Ayon kay Reyes, marapat umanong may social responsibility kaugnay ng modernisasyon sa pamamagitan ng mas malaking state subsidy.

Ito aniya ang paraan para maging makatao ang gagawing modernisasyon. “Hangad ng mga tsuper na simulan ang modernisasyon sa mga umiiral na units na roadworthy o puwede pang magamit. Maaaring mag-upgrade ng mga ito, subsidized ng gobyerno. Kung hindi na kakayanin ang upgrades, dapat mas maging abot-kaya ang mga bagong units. Hindi dapat ito gawing negosyo,” sabi pa niya.

Dagdag pa ni Reyes, maaaring magpababa ng presyo ang lokal na manupaktura ng mga units at makalikha pa ng dagdag na trabaho sa bansa. Kaakibat nito, nag-abante ng suhestyon ang  Makô ng murang alternatibo – isang lokal na gumagawa ng jeepney sa Libmanan, Camarines Sur, na diumano’y nakabuo ng isang modelo na pasok sa pamantayan ng Department Of Transportation (seating capacity, smoke-test, taas atbp.) na nagkakahalaga lang ng P300,000 hanggang P400,000.

“Bilang mga komyuter, ang gusto natin ay ligtas, maaasahan, at abot-kayang transportasyon. Bilang mga manggagawa na kakarampot ang sahod, malaking tulong sa atin ang pampublikong transportasyon na hindi kontrolado o hawak ng mga dambuhalang korporasyon at dayuhang mamumuhunan.  Ayaw nating  maging gatasan ng mga negosyante ang dapat ay isang public service. Ayaw nating mawalan ng kabuhayan ang mga drayber at operator na sa mahabang panahon ay nagsilbi sa atin.

Sa mahabang panahon, ang mga PUV tulad ng jeepney  ang pumuno sa kakulangan ng gobyerno sa paghatid ng serbisyong transportasyon,” pagtatapos ni Lito Ustarez, executive vice-chair ng Kilusang Mayo Uno o KMU.

‘Paid Quarantine dapat’

$
0
0

Manatili sa tahanan. Ito ang payo ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease-2019 (Covid-19). Pero halos imposible ito para sa mga manggagawa. Nakadepende kasi ang pagkain ng pamilya nila sa kanilang arawang sahod.

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, 14.4 milyong manggagawang non-regular at nasa informal sector, o katumbas ng tatlo sa limang may trabaho sa Luzon, ang nanganganib mawalan ng sahod at kabuhayan dahil sa “enhanced community quarantine” o “lockdown” sa buong isla.

Tinatayang nasa 61.6 porsiyento ng kabuuang may trabaho sa Luzon ang nasa mababang kalidad na trabaho gaya ng kontraktuwal na mga manggagawa, salespersons, vendors at mga manggagawa sa pampublikong transportasyon. Ayon sa Ibon, sila ang pinakabulnerable sa gitna ng “lockdown” dahil sa kawalan ng kinakailangang benepisyong medikal at social security.

Dapat bayad

Ikinababahala ito ng dalawa sa pinakamalaking samahan ng mga manggagawa sa bansa. Sa kanilang magkasamang pahayag, sinabi ng Nagkaisa! Labor Coalition at Kilusang Mayo Uno na maaaring mailigtas ng pinaigting na kuwarentina ang mga manggagawa sa Covid-19, pero “kung walang karampatang social protection, mamamatay naman sila at kanilang pamilya sa gutom.”

Panawagan nila sa gobyerno, maglaan ng P10,000 Quarantine Subsidy para sa mga manggagawa. Bagamat kasi tanggap nila bilang magandang simula ang naunang P5,000 Financial Assistance na inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE), sadyang kulang anila ito sa pangangailangan ng mga manggagawa.

Tinataya ng Nagkaisa! at KMU na aabot sa P225- Bilyon ang kakailanganin para rito pero ito naman anila ay iikot din sa takbo ng lokal na ekonomiya.

Sa hiwalay na pahayag, nanawagan ang KMU para sa pagpapatupad ng “Paid Quarantine” na para sa kanila ay pinakamabisang paraan para mabawasan ang mga manggagawang kailangang lumabas ng bahay para magtrabaho.

“Gusto namin ng katiyakan na bayad ang mga quarantine leave at hindi ikakaltas sa mga sick leave, sa 13th month pay at sa iba pang benepisyo,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Dapat anilang bayaran ng employer o ng gobyerno ang mawawalang arawang sahod ng mga manggagawa na hindi makakapasok dahil sa banta ng pagkalat ng virus at dahil sa kawalan ng transportasyon bunga ng “lockdown”.

Tagumpay

Kung gaano kabilis kumalat ang Covid-19, ganoon din kabilis umaksiyon ang mga manggagawa, sa pamamagitan ng kanilang mga unyon, para protektahan ang kanilang kalusugan at karapatan.

“Nangamba kami na magkasakit kapag pumasok at wala rin namang biyahe. Kaya humiling kami ng diyalogo sa management,” ani Mary Ann Castillo, pangulo ng Nexperia Phils. Inc. Workers’ Union.

Noong una, ayaw umanong humarap ng management kaya nagsimula sila ng tatlong araw na “Facebook rally”. Nagpalit ng profile picture na may panawagan ang lahat ng kasapi ng unyon at pinakalat ang hashtag na #PaidQuarantine ForWorkers.

Dahil dito, bumigay ang management at pumayag na ibigay ang buong sahod ng mga manggagawang pipiliing manatli sa kanilang mga tahanan, pero mula Marso 17 hanggang 31 lang.

“Kung sa loob ng panahong iyon ay may rest day ka, di kasama sa babayaran ’yun. Kung night shift, may night differential pa ring matatanggap. Pero kailangang tiyakin na maipatupad ito dahil sa Marso 30 payroll pa nila ibibigay,” ani Castillo.

Nasa loob ng special export processing zone ang kanilang pabrika ng electronics kaya pinahihintulutan sila ng pamahalaan na magpatuloy ng operasyon sa kondisyong “skeletal” lang o iyong mga esensiyal na trabaho lang ang papapasukin at stay-in dapat ang mga manggagawa. Pero dahil sa matagumpay nilang sama-samang pagkilos, hindi na kailangang isugal ng mahigit 1,700 manggagawa ng Nexperia ang kanilang kalusugan. Gayunman, tuluytuloy pa rin ang kanilang pagkilos para mapalawig ang paid quarantine hanggang Abril 12, nakatakdang pagtatapos ng lockdown, at para saklawin din nito ang daan-daang manggagawang kontraktuwal sa kanilang pagawaan.

Nasa panganib

Samantala, tuloy naman ang operasyon ng Wyeth Philippines sa Laguna. Kasama kasi ang mga produkto nitong powdered na gatas sa mga itinuturing na batayang pangangailangan.

“Kung magpapatuloy kaming maglabas-masok sa ating mga tahanan para pumasok ng trabaho, lalong matatagalan na mapuksa at lalong lalaganap itong Covid-19,” ani Gabs de los Reyes, pangulo ng Wyeth Phils. Progressive Workers’ Union.

Ayaw umano nilang ilagay sa alanganin ang kanilang mga sarili, katrabaho, kaibigan at pamilya. Kaya agad humiling ng diyalogo ang unyon sa management para tiyakin ang kalusugan at karapatan ng mga manggagawa sa panahong nagtutuloy ang operasyon.

Kabilang sa mga hiningi ng unyon ang paid quarantine, financial assistance sa isang buwang lockdown, hazard pay, libreng staff house at door-todoor na shuttle service para sa kailangang pumasok para sa operasyon ng makina, at libreng pagpapagamot sa magkakasakit o magpopositibo sa Covid-19 dahil sa patuloy na pagtatrabaho.

Sa tinakbo ng negosasyon, hindi pa buong nabigay ang hiling ng mga manggagawa. Patuloy pa ring iginigiit ng unyon ang paid quarantine. Pero sa ngayon, ang naipangako pa lang ng management ay Emergency Loan na walang rekisito at ikakaltas na lang kapag “istable” na ang kondisyon.

“Sa mga di papasok, puwede gamitin ang Emergency Leaves, Sick Leave Accumulations at Vacation Leaves. Sa mga mapipilitang pumasok, 200 porsiyento ang sahod sa unang walong oras at may overtime rate para sa susunod na apat na oras. Dalawandaang porsiyento rin sa papasok ng rest day,” ani de los Reyes.

Hiniling din nila sa diyalogo na mag-aplay na ang kompanya para sa P5,000 financial assistance ng DOLE. “Sa totoo lang, pahirapan din yun sa mga manggagawa. Paano makukuha, bukod sa maliit, kailangan itulak mo pa ang management. Kung walang samahan o unyon, mahihirapan din ang karamihan,” ani de los Reyes.

Hazard pay

Samantala, matagumpay namang nailaban ng mga manggagawa sa pampublikong sektor ang pagbibigay ng gobyerno ng hazard pay para sa mga “Frontline Workers” o iyong mga direktang humaharap sa pandemya ng Covid-19.

Ayon sa Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), pederasyon ng mga unyon at samahang manggagawa sa pampublikong sektor, pinagpupugayan nila ang mga empleyado at manggagawang matapang na humaharap sa pandemya.

“Nararapat lang para sa lahat ng manggagawa sa frontline na makatanggap ng hazard pay. Umaasa kami na walang diskriminasyon sa halaga ng ibibigay na hazard pay lalo na sa mga kontraktuwal at job order dahil lahat naman ay may nanganganib na magkaroon ng sakit dahil sa Covid-19,” ani Santiago Dasmariñas, pambansang pangulo ng Courage.

Sa pagkakasulat ng artikulong ito, hinihintay pa nila ang implementing guidelines ng ibibigay na hazard pay.

Kapatiran sa lipunan

Para kay de los Reyes, hindi sana mahihirapan ngayon ang mga manggagawa kung maagap lang na tinugunan ng gobyerno ang banta ng paglaganap ng Covid-19 sa bansa.

“Dapat noong una palang nagpatupad ng travel ban ang gobyerno. Pero dahil andiyan na, nararapat na pansamantalang magsara muna ang mga pabrika para hindi ma-expose ang mga manggagawa. Kasabay nito, dapat may kaakibat na sapat na tulong-pinansiyal ang kompanya bukod pa sa serbisyo ng DOLE,” aniya.

Dagdag pa ni de los Reyes, “Dapat mahigpit na binabantayan o pinapangunahan ng DOLE at ng gobyerno ang krisis na ito. Dapat maramadaman ng mga manggagawa na pinahahalagahan sila ng lipunang halos buong buhay nilang pinaglilingkuran.”

“Pagkatapos nito, wala rin namang susi para muling makabangon kundi ang mga manggagawa. Kaya nararapat na ipreserba sila o bigyan ng kaukulang ayuda para sa kanila at sa kanilang pamilya,” ani de los Reyes.

Sa harap ng pandemyang Covid-19, pinatutunayan ng tagumpay ng samasamang mga pagkilos ng mga manggagawa na magagawa lang protektahan ang kanilang karapatan at kalusugan kung sila’y magkakaisa at naggigiit. Ipinakikita ng mga manggagawa na higit sa social distancing, mas kailangan ngayon ay “social solidarity” o panlipunang pagkakaisa sa kabila ng pisikal na pagdidistansiya para labanan ang banta ng pandemya at maprotektahan ang kanilang kalusugan at karapatan.

Para kay Castillo, pinatutunayan umano ng matagumpay na mga paglaban ng mga manggagawa ang kahalagahan ng pag-uunyon ng para sa kolektibong paglaban para sa kanilang kaligtasan at karapatan bilang tao.

“Sa panahon ng matinding krisis, pinakamahalaga ang pagkakaisa ng mga manggagawa, hindi para manlimos kundi para depensahan ang aming karapatan at kalusugan,” ani Castillo.

Silang walang tahanan at istranded sa Kamaynilaan

$
0
0

Mahigit isang buwan nang eksena ang maluwag, tahimik, halos di nadaraanang malalaking kalye sa Quezon City. Madalang ang bumibiyaheng pribadong sasakyan. Sinita sa mga tsekpoint mula matapos ang Mahal na Araw ang mga motoristang “di-esensiyal” ang biyahe.

Sa pagbiyahe ko sa mga kalyeng inilarawan, tumambad ang ilang manininda ng bottled water at softdrinks. Kasama niya ang isa pa, may hawak ng lata at karatula, at humihingi ng kaunting ayuda, pera man o pagkain.

Samantala, isang bata ang kumakatok sa mga sasakyan. Inabot namin ang isang balot ng bigas. Masayang kumaripas ng takbo ang bata matapos matanggap ang balot. Pumunta siya sa kanilang kariton sa tabi ng kalye. May kasama siya, maaaring nanay ng bata. Tuwang tuwa siyang ipinakita ang karampot na balot ng bigas.

Pero hindi pa iyon ang tungo namin.

Sa likuran ng National Press Club, patungong Intramuros at sa ilalim ng tulay ng Sta. Cruz Manila, tumambad sa amin ang ilang tao. Maaaring mga nagmamaneho ng padyak, ng kuliglig, doon sila nagmula sa mga nakaparadang traysikel nila. Muli ang eksena ng paghingi. Ipinarada namin ang sasakyan. “Pila kayo ha,” at minabuti naman nilang pumila.

Pero ang akala naming 10 katao lang o higit pa, kalauna’y nadagdagan. May humabol pa ng hingi mula sa kung saan na hindi na namin alam. May mga nakatago pa palang ibang pamilya. Ang iba, maaaring nagdoble na ng hingi.

“Salamat at may tulad ninyong dumaraan dito para bigyan kami,” sabi ng isang nanay, bitbit ang kanyang anak. Lahat sila, walang facemask. Hindi na siguro maganda pang tanungin kung bakit wala silang proteksiyon sa sakit na coronavirus disease-2019 (Covid-19). Ang sumunod na tanong na lang ang mahalaga: wala ba silang nakuhang ayuda sa pamahalaan?

“Hindi naman kasi kami botante,” aniya. “Wala rin kaming ipapakitang ID. Di bay ‘yun daw ang hinahanap?”

Paglisan namin sa mga ilalim ng tulay, may nakita kaming may hawak na karatula. Ganoon pa rin ang panawagan. “Nakatira ako sa Camarin (Caloocan), inabutan na ako ng lockdown. Wala akong maiuwi, kaya dito muna ako sa Maynila,” aniya. Isa raw siyang tagaluto sa karinderya, pero huminto ang pagbebenta dahil sa enhanced community quarantine (ECQ).

“May ID naman ako, pero talagang hindi pa ako mabigyan, dahil siguro hindi dito ang address ko (sa Camarin),” aniya.

Kuha ni <b>Darius Galang</b>

Mga kuha ni Darius Galang

Konstruksiyong natigil

Mahabang biyahe mula Maynila hanggang Pasig naman ang tinahak namin. Alam namin ang eksena doon: may ilang construction worker ang nakakulong sa loob ng ginagawang gusali, at hindi nabibigyan ng ayuda.

Pagdating namin doon, tambad ang eksenang may nag-abot ng dalawang malaking bag ng sabong panlaba. Nilapitan ko ang isa, Nelson daw ang pangalan niya. “May pagkain naman kami, salamat sa mga nagbigay na nitong mga nagdaang mga araw,” ani Nelson.

Hindi lang pala isang ginagawang gusali sa Ortigas ang may ganitong eksena. Sabi ng isang taong nagbigay ng ayuda na nakausap namin, may ilan pang gusali sa Pasig ang may mga manggagawang parehas na sinasapit ngayon.

Kumalat ang kuwento sa social media ng mg na-trap ng lockdown sa kani-kanilang mga pagawaan nitong mga nagdaang mga araw.

Ang ibang kuwento, hindi na sila nakakakain. At bakit nga ba sila bibigyan ng ayuda ng lokal na pamahalaan kung hindi sila residente? Malalayong lugar ang pinanggalingan ng mga construction worker, hindi lang sa labas ng Metro Manila kundi sa labas mismo ng Luzon. “Galing kami sa Mindoro, sa Samar, iba pang lugar sa Visayas,” kuwento ni Nelson.

No work no pay. Wala silang sahod sa isang buwan ng ECQ. “Hindi pa po humaharap sa amin ang contractor namin,” sabi pa ni Nelson. “Pero nagpunta na po ang DOLE (Department of Labor and Employment) dito sa amin.”

Huli raw silang nagpadala ng pera sa probinsiya noong Marso 16 pa. Iyon ang unang araw na opisyal na ipinatupad ang ECQ sa buong Kamaynilaan.

“Kung alam lang naming ganito ang sasapitin namin – na hindi magtutuloy ang trabaho, e di sana nakipagsapalaran na kami na umuwi na lang sa probinsiya noong mga araw bago ang lockdown,” kuwento pa niya. Kung ginawa nila iyon, kasama sana sila sa daan-daanlibong tao na nabalitang nakipagsiksikan para makasakay pauwing probinsiya bago ang lockdown.

Kailangang umuwi

Sa ngayon, gusto nilang umuwi na muna. Di bale nang walang makain.

“May makakain naman kami dun (sa probinsiya). Panahon ng anihan ngayon. Puwede kaming tumulong dun,” sabi ng isang kasama ni Nelson (di-nagpakilala). Hindi rin nila alintana ang pera, naintindihan naman sila ng kanilang mga kaanak. Ang problema, paao sila babalik sa trabaho? “Iyun ang hindi namin masiguro. Kung kukunin ulit kami, bakit hindi. Pero talagang hindi na kami tatagal sa ganitong sitwasyon. Di ba, ang sabi, ie-extend pa ang lockdwn na naman?”

Panawagan nila, sa kagyat, ang kagamitang panlinis: sabong panligo at panlaba. Wala silang pera, dahil walang trabaho. Pero gusto talaga nilang makauwi sa kanilang mga pamilya sa probinsiya. “Sana, kahit hanggang Matnog (Sorsogon) lang, ihatid kami. O kung saan pa, tulad ng taga-Mindoro. Basta makaabot sa sakayan patungong probinsiya, kami na bahala dumiskarte pagdating doon,” ani Nelson.

Pero tila wala pang nakakarinig sa kanila ngayon.

Sila ang mukha ng mga hindi nabiyayan at hindi mabibiyayaan ng ayuda sa panahon ng lockdown. Sila ang bulnerable sa sakit, sila ang tahasang napag-iiwanan ng administrasyong “may malasakit” at “nakikipagbayanihan”.

Tama ng pandemya sa kawani

$
0
0

Malaki ang pagkabahala ng mga kawani ng gobyerno, hindi lang dahil sa pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19), kundi ang epekto na rin nito sa kanilang pangunahing kabuhayan at kasiguruhan sa empleyo.

At malaki ang kanilang pagkabahala sa ulat ng Civil Service Commission (CSC) na isasara ang ahensiya ng gobyerno dahil sa pagtama ng Covid-19 sa mga empleyado nito.

Naunang isinaad ni CSC Komisyoner Aileen Lizada noong nakaraang linggo na mayroon nang 7,472 kawani ng gobyerno ang nagpositibo sa Covid-19, at may 10,000 ang sinususpetsang mayroon na rin ng mapaminsalang sakit.

Masakit pa, umabot sa 108 sa naisarang mga ahensiya ay nasa Kamaynilaan, kung saan nakaranas na ng dalawang kuwarantina mula Marso.

Hindi lang sakit

Pero hindi lang ito ang napipinsala ng sakit, paliwanag ni Santiago Dasmariñas, tagapangulo ng Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage).

“Hindi lang ang sakit ang mapaminsala. Hindi lang ang kawalan ng countermeasure upang masigurong ligtas ang mga kawani (ang problema). Mapaminsala rin ito sa serbisyong dapat na sinisigurong maiaabot sa kalakhan ng publiko lalo na ngayong sa panahon ng pandemya,” aniya.

Partikular na binanggit na ahensiya ni Dasmariñas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), dalawang ahensiyang pinakakailangan ng publiko ngayon. Ang una, nangangasiwa sa pagaasikaso ng programang ayuda. Ang pangalawa nama’y sa kalinisan at kaayusan ng paligid.

“Kung partikular lang muna sa DSWD, sa datos na nakalap ng ating mga unyonista sa DSWD, mayroon nang 11 kumpirmadong kaso sa National Office malapit sa Batasan Road, habang 18 ang mayroon na sa DSWD-NCR. Nagkaroon na rin ng ulat ng isang kasawian noong Mayo sa MMDA, ” sabi ni Dasmariñas.

“Nakakatakot dahil kahit ngayo’y maaaring papalaki pa ang bilang na ito, lalo na sa mga opisina sa mga rehiyon,” dugtong pa niya.

Panawagan ng mga kawaning kontraktuwal ng Department of Social Welfare and Development, sa pamamagitan ng tuluy-tuloy nilang “silent action,” para sa ligtas na pagawaan at wastong pagbibigay ng hazard pay sa kanila, sa patuloy na panganib na dulot ng pandemyang Covid-19. Larawan mula sa Sweap

Nagpapaalala

Hindi naman nagpahuli ang Courage sa pagpaalala sa kanilang pangangailangan.

Mula pa Marso ang panawagan ng Courage para sa alternatibong paraan ng pagtatrabaho kung hindi man ligtas na kaayusan sa trabaho tulad ng work from home (tulad ng paper works) at flexi-work schedules habang nag-oobserba ng social distancing, at kung hindi maaari, may libreng sakay sana ang skeleton workforce, pagbabalik-tanaw ni Dasmariñas.

Batid niya na may matatanda nang kawani, kaya “immuno-compromised” o mahina ang resistensiya ng mga ito. “Kung walang mass testing, makokompromiso ang trabaho dahil baka ang kawani pa ang magiging source ng pagkahawa ng mga kliyente ng gobyerno,” sabi pa niya.

Diin ni Dasmariñas na responsabilidad ng gobyerno ang mga kawani nito, Hindi lang umano mga piyon ang mga kawani – mapa-regular man, o kontraktuwal at job-order na mga empleyado – sa panahon na tila laro lang ang kuwarantina at pagsasawalang-bahala.

“Kinokondena namin ang patuloy na kawalan ng protective equipment, ang kasiguruhan na may libreng testing at pagpapagamot sa lahat ng empleyado ng pampublikong sektor. Nagdurugo na ang mga frontliner, at mapaminsala na sa bansa ang kawalan ng aksiyon at pagkainutil. Ang kailangan natin ngayon, mass testing at nararapat na pagpapagamot,”pagtatapos ni Dasmariñas.

Viewing all 182 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>